Sunday, June 1, 2025
Amana Water Park
HomeBulacan UnliNews‘Economic transformation ng Pilipinas, pinupursige ni PBBM para mapalakas ang Republika’ --...

‘Economic transformation ng Pilipinas, pinupursige ni PBBM para mapalakas ang Republika’ — SG Guevarra

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Nakatutok ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagsusulong na magkaroon ng economic transformation ang Pilipinas upang lalong mapatatag at mapalakas pa ang Republika.

Iyan ang sentro ng mensahe ni Solicitor General Menardo Guevarra nang pangunahan niya ang pagdiriwang ng Ika-126 Taong Anibersaryo ng Pagpapasinaya sa Pilipinas bilang isang Republika, sa makasaysayang simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.

Ang economic transformation agenda ng administrasyon ay naglalayon na maihatid ang Republika bilang isang bansa na may high middle-income economy.

Pinangunahan nina Solicitor General Menardo Guevarra at Governor Daniel R. Fernando ang pag-aalay ng bulaklak sa dambana ni Gen. Emilio Aguinaldo sa pagdiriwang ng ika-126 Taong Anibersaryo ng Pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas sa makasaysayang simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos, Bulacan. (Kuha ni Jason Estrada)

Tutugon aniya ito sa mga hamon na hinaharap ngayon ng Republika tulad ng kahirapan, kamangmangan at bagong mananakop. Binigyang diin ng taga-usig panlahat na mayayakap ng karaniwang mga mamamayan ang halaga ng Republika, kung lubos na iiral ang katarungang panlipunan na magbibigay ng pantay na oportunidad para sa lahat.

Kaya’t kinakailangan aniya na ang patuloy na paglago ng Gross Domestic Product (GDP) at Gross National Product (GNP) ay ganap na maramdaman sa pang araw-araw na pamumuhay ng karaniwang Pilipino. Masusukat ito kung maraming bilang ng mga pamilyang Pilipino ang mayroong kakayahang makabili ng pagkain, makapag-aral at makapagpagamot.

Ipinaliwanag pa ni Solicitor General Guevarra, na isa ring ekonomista, na kinakailangan lamang na magtuluy-tuloy ang mga ginagawa ng administrasyong Marcos upang lubos na makita ang mga positibong resulta.

Hinalimbawa niya ang patuloy na pagdagsa ng mga pamumuhunan, pagpapatayo ng bagong imprastraktura at reporma sa operasyon ng pamahalaan.

Kabilang diyan ang Green Lanes for Strategic Investments na nagbawas at nagpadali ng mga proseso sa pagrerehistro ng mga bagong pamumuhunan na pumapasok. Umaabot na ito sa P4.54 trilyon base sa tala ng Board of Investments (BOI). Nagresulta ito sa 96.8% employment rate ng bansa ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Disyembre 2024.

Malaki rin aniya ang maiaambag ng Build-Better-More Infrastructure Program ni Pangulong Marcos na target makapagpatayo ng nasa P9.6 trilyong halaga ng mga dekalidad na mga imprastraktura.

Nakapaloob dito ang istratehiya na itinakda ng Public-Private Partnership (PPP) Code o Republic Act 11966 na maghihikayat ng mga bagong pamumuhunan para sa mas modernong airports, railways, ports at mga expressways.

Iba pa rito ang pagpapabilis sa mga proseso sa pagtatayo ng mga telecommunications at internet infrastructure sa tulong ng Executive Order 32 na ipinalabas ni Pangulong Marcos.

Kalakip nito ang pagpapadali rin ng sistema sa mga operasyon at serbisyo ng pamahalaan tulad ng Ease of Paying Taxes o Republic Act 11976. Gayundin ang pagpapatupad ng malawakang digitalization sa mga institusyon at biyurukrasya ng Republika.

Kaugnay nito, kinatigan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang tinuran ni Solicitor General Guevarra tungkol sa isinusulong na economic transformation. Patunay aniya ang nangyayaring pagsulong ng Bulacan sa resulta ng mga pagkilos ng administrasyong Marcos tungo sa isang malakas na Republika.

Nakaposisyon na aniya ang Bulacan tungo sa pagiging isang first world province dahil sa mga big-ticket infrastructure projects tulad ng New Manila International Airport (NMIA), North-South Commuter Railway (NSCR) at ang Northwin Global City.

Samantala, muli namang nanawagan si Malolos City Christian Natividad kay Pangulong Marcos na ang petsang Enero 23 na siyang Araw ng Unang Republika ng Pilipinas, ang angkop na maging pambansang opisyal sa halip ang aniya’y pagpapalit ng kalendaryo ng ibang lahi.
Ayon pa sa punong lungsod, kailangang dumami at hindi lamang mga Bulakenyo ang dapat umalala at magdiwang sa anibersaryo ng Unang Republika. Ito aniya ay hindi lamang para sa Bulacan kundi para sa bawat mamamayang Pilipino. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News