Nina Verna Santos at Allan Casipit
LUNGSOD NG MALOLOS — Muling binisita noong Lunes (Feb. 17) ni Maria Imelda Josefa Remedios Romualdez Marcos o mas kilala bilang Imee Marcos upang hingin ang buong suporta ng mga Bulakenyo kaugnay ng kanyang muling pagkandidato bilang senador sa darating na halalan sa Mayo.
Hindi na bago sa mga Bulakenyo ang pagbisita ng senadora dahil sa tuwing nahaharap sa matinding sakuna ang lalawigan ay agad niya itong dinadalaw upang damayan at personal na mag-abot ng tulong o ayuda.

Tanyag na anak ng dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos, ang ika-10 sa talaan ng mga namuno sa Pilipinas noong taong mula 1965 hanggang 1986.
Batid nang nakararami na ang seanadora ay may lahing Bulakenyo dahil ang kaniyang ninuno/lola ay si Doña Remedios Trinidad na ipinanganak sa Baliuag taong 1902.
At taong 1977, bilang pagkilala sa natatanging ginang na siya namang ina ni Ginang Imelda Marcos, ipinangalan dito ang bayan ng DRT/Doña Remedios Trinidad.
Si Sen. Marcos ay nakatatandang kapatid ng kasalukuyang Pangulo ng ating bansa na si Pangulong Ferdinand “Bongbong Romualdez Marcos Jr.
Sa ginawang pagbisita ng senadora, tinalakay nito ang tungkol sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, gulay, karne ng manok at baboy atbp.
Anito, “Hindi importasyon o produktong mula sa iba’t ibang bansa na ipinapasok sa bansa ang sagot sa sobrang taas ng mga pangunahing bilihin kundi tangkilikin at itaguyod ang sariling atin, suportahan ang mga lokal na magsasaka.”
At masayang ibinalita ng senadora ang 600 libong pamilya umano ang kanilang natulungan makabayad ng utang sa Land Bank at nabigyan ng tituladong lupang sakahan sa ilalim ng kaniyang isinabatas na programa.
Bukod pa rito, mariing ipaglalaban at imumungkahi ni Sen. Marcos na dapat itaas ang sahod ng mga manggagawang Pilipino sa probinsya kagaya ng tinatanggap na minimum wage ng mga taga-maynila na 620.
“Mas mahal ang mga pangunahing bilihin at maging ang gasolina sa merkado sa lalawigan ng Bulacan kaysa sa Maynila. Gawing pantay-pantay ang minimum wage sa buong bansa at itaas ang antas ng pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino,” wika nito.
“Tuluy-tuloy lang po ang pagtulong sa mga kababayan nating may pangangailangan. Hindi po tayo magsasawang mag-abot ng tulong sa kanila lalo na sa panahon ng sakuna, kagipitan, at matinding pagsubok,” saad ni Sen. Marcos.
Pinasalamatan naman ng mamamayang Bulakenyo at mga non-government organizations si Sen. Imee Marcos sa walang humpay na pagkakaloob nito ng ayuda, anila, “nakahanda po kaming suportahan sampu ng aming mga kapamilya ang muli ninyong pagtakbo bilang aming pasasalamat.” (UnliNews Online)