MANILA — Ipinapanawagan ni Senador Alan Peter Cayetano sa gobyerno na iwanan na ang “utak-kotse” pagdating sa pagresolba sa matinding trapik.
Mungkahi ni Cayetano, unahin ang paggawa ng mga riles at subway imbes na puro highway.
Kasunod ito ng pag-upo ng bagong kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Secretary Vince Dizon.
Giit ng senador, patuloy lang na aasa sa kotse ang maraming Pilipino kung puro pagpapaluwag ng kalsada ang gagawin. Para matuldukan aniya ang matinding trapik dahil sa dami ng sasakyan, kailangan ng maayos na mass transport system tulad ng tren.
“Why not a railway rather than a highway? Kasi nga ang problema, utak-kotse tayo,” sabi niya.
“Noong ‘50s, ‘40s, nangunguna tayo, may railway tayo everywhere. Pero napabayaan natin y’un and then we went the American way na panay kotse,” dagdag niya.
Binanggit niya ang kalbaryo ng maraming manggagawang bumibiyahe araw-araw mula probinsya patungong Metro Manila.
“Not only the hirap, y’ung tama sa katawan, but y’ung oras talaga na nasasayang, and then of course y’ung gastos,” sabi niya.
Suportado ni Cayetano ang Metro Manila Subway project pero aniya, hindi dapat dito lang natatapos.
“Dapat bago pa matapos ‘yan, pina-plano na ang susunod,” sabi niya.
“Kasi it takes six or seven years para matapos. By the time matapos, ilan na ang kotse, ilan na ang tao, tapos panay sa Metro Manila. So may ginagawa ba to extend that out?” pagpapatuloy niya.
Inihalimbawa ng senador ang long-term planning ng Hong Kong, kung saan halos taun-taon ay may bagong subway project.
“Since early or mid-1980s, wala akong punta sa Hong Kong na nakita kong walang ginagawang subway. So by now, makikita n’yo kahit saan ka pumunta sa Hong Kong, halos buong Hong Kong malalakad n’yo sa ilalim in most of the areas. Kasi nga, gawa lang nang gawa,” sabi niya.
Sa huli, umaasa si Cayetano na magagamit ni DOTr Sec. Dizon ang kanyang karanasan sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) para mapabilis ang modernisasyon ng transportasyon, lalo na sa railways.
Matagal nang isinusulong ni Cayetano ang pag-decongest sa Metro Manila sa pamamagitan ng railway network at pagpapalakas ng ekonomiya sa probinsya.