LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Patay ang isang babae at dalawang lalaki matapos paulanan ng bala ng baril ang sinasakyang sports utility vehicle (SUV) sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Capihan, bayan ng San Rafael Biyernes ng hapon (March 21).
Kinumpirma ni Police Lieutenant Colonel Eisbon Llamasares, hepe ng San Rafael Police, na ang mga nasawi ay sina Bryan Villaflor, 33 anyos, residente ng Barangay Poblacion, San Ildefonso; Jayvee Mariano nasa hustong gulang at ang kasintahan ni Villaflor na kinilala sa alyas Jam na binawian ng buhay sa ospital.
Base sa inisyal na imbestigasyon, habang binabagtas ng sasakyan ng mga biktima na isang Ford Everest Titanium ang kahabaan ng Maharlika Highway, isang itim na sasakyan ang bumuntot sa sasakyan ng mga biktima at walang habas itong pinagbabaril.
Ayon sa pulisya, hindi bababa sa 20 basyo ng bala na pinaniniwalaan na mula sa automatic rifle ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.
Natadtad ng bala ang sasakyan ng mga biktima, at bumangga sa isang tricycle at iba pang instruktura sa gilid ng daan.
Ang driver at pasaherong nakaupo sa harap ay direktang tinamaan ng maraming beses sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan na naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay.
Prinoproseso na ng Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang crime scene at patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng mga awtoridad sa pagtugis sa nakatakas na mga salarin.
Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigayon ng mga awtoridad sa pangyayari upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima at matukoy ang mga suspek sa pamamaril.
Ani Vic Silverio sa kanyang FB Page, tumatakbong kongresista at anak ni Rep. Lorna Silverio, “Nawala sa amin hindi lang isang katuwang sa propesyon, kundi isang kaibigan at tagapagsulong ng katotohanan. Si Bryan ay kinuha sa amin sa pinaka-malupit na paraan—pinagbabaril ng paulit-ulit sa sarili niyang sasakyan. Hindi kami papayag na manahimik. Hinihiling namin ang hustisya.” (UnliNews Online)