CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Sampung hinihinalang tulak ng iligal na droga ang naaresto ng mga kapulisan habang aabot sa halagang P333,720.00 ng iligal na droga ang nasamsam sa magkakaibang anti-drug operations sa naturang lalawigan.
Base sa ulat noong Huwebes (March 20), kinumpirma ni Col. Satur Ediong, Bulacan provincial director, ang isinagawang buy bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng San Jose Del Monte City Police Station noong Miyerkules (March 19) bandang alas-8:30 ng gabi sa Brgy. Muzon South kung saan nagresulta sa pagkakaaresto sa 4 na drug suspect at nakumpiska ang humigit-kumulang 1,500 gramo ng hinihinalang marijuana at 5 gramo ng hinihinalang shabu, na tinatayang nasa P214,000 ang halaga.
Nasamsam din ang dalawang ghost electric cigarette na naglalaman ng hinihinalang marijuana oil, isang digital weighing scale, isang coin purse, at ang buy-bust money.
Ayon pa kay Col. Ediong, magkakaibang buy-bust operations ang inilatag ng Station Drug Enforcement Unit ng Malolos, Angat, Guiguinto, Marilao MPS, na nagresulta sa pagkakaaresto sa 6 na drug suspect. Nakumpiska sa operasyon ang kabuuang 22 plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P119,720, kasama ang ilang drug paraphernalia at buy-bust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri. Habang ang mga reklamong kriminal para sa mga paglabag sa R.A. 9165 laban sa suspek ay inihahanda na para sa pagsasampa sa korte. (UnliNews Online)

