LUNGSOD NG MALOLOS — Natangay ang shoulder bag, mga gadgets at iba pang personal na gamit ng isang residente sa nabanggit na lungsod makaraang mabiktima ng hinihinalang mga miyembro ng Basag-Kotse Gang sa parking space noong Linggo (Marso 30).
Base sa ulat kay Col. Satur Ediong, Bulacan police director, kinilala ang biktima na si Ian Gonzales Fernandez, residente ng Barangay Longos sa Malolos.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-9:30 ng gabi nang iparada ng biktima ang kanyang Toyota Hi-lux na may plakang CAT8152, sa kahabaan ng McArthur Highway sa nabanggit na barangay upang upang kumain sa isang lokal na steak house.
“Pagbalik ng biktima makalipas ang ilang minuto, nadiskubre nitong sira na ang kanang bintana sa likurang bahagi ng kanyang sasakyan at nawawala na ang kanyang mga personal na gamit,” sabi ni Ediong.
Nagsasagawa na ngayon ng imbestigasyon ang mga operatiba ng pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek. (UnliNews Online)