ANG kapakanan ng lahat ng maninindang Pilipino, partikular ang mga maliliit na mamumuhunan ang iaangat ang kabuhayan at hindi na rin sila magiging dependent sa pag-utang sa iskemang 5/6 dahil ang Vendors Partylist ang gagawa ng paraan upang makahanap sila ng institusyon na magpapautang sa kanila ng puhunan na maliit ang tubo at abot-kayang hulugan.
Ito ang buod ng mensaheng binibigkas ni Vendors Partylist first nominee Marilou Laurio Lipana sa tuwing nililibot niya ang mga palengke at iba pang mga pamilihan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas kasama ang kanyang buong team.
Ayon kay Lipana, ang karaingan ng mga manininda sa palengke ay ang mataas na patubo ng mga usurero na kanilang inuutangan sa pamamagitan ng iskemang 5/6 na kung saan ang dalawa hanggang limang libo na inuutang nila sa patubuan ay tinutubuan nila ng dalawa hanggang limang daan piso kada buwan.
Ayon pa kay Lipana, bukod sa iskemang 5/6 napipilitan din anyang mangutang sa usurero ang mga gipit na manininda sa iskema namang ’emergency’ na kung saan ang pagpapatubo ng nagpautang ay lingguhan ang singil ng tubo. Halimbawang ang sanlibong piso na nautang ay may tubo na dalawang daang piso kada linggo
Sinabi pa ni Lipana, “maglalagay tayo ng seed money sa kooperatiba sa iba’t ibang lugar na kung saan ang mga kasaping vendors din ang magpapatakbo ng kooperatiba. Cooperative lending with low interest rate.” Hindi na anya kakapit sa patalim ang mga maliliit na mamumuhunan dahil magkaroon na sila ng kooperatiba na uutangan nila ng puhunan sa mababang interest.
Maging ang problemang pangkalusugan ng mga vendors ay malulunasan dahil kung sila ay miyembro na ng kooperatiba, hindi na anya kailangan ang guarantee letter o kaya naman ay deposito sa private hospital basta ipapakita lang ang kanilang membership card ng samahan ng mga vendors ay makakuha na sila ng medical services kaya iyang problema sa puhunan at pangkalusugan ng mga vendors ay malulunasan kapag ang Vendors Partylist ay naluklok sa Kongreso ayon pa kay Lipana.
Sa kasalukuyan ay nililibot ng team ng Vendors Partylist ang maraming lugar sa ating bansa para mangampanya at maging dito sa lalawigan ng Bulacan na kung saan ang pamilya Lipana ay taal na mga Bulakenyo at tubong San Ildefonso kaya inaasahan na ang suporta ng mga mamamayang Bulakenyo sa Vendors Partylist sa darating na eleksyon sa Mayo 12, 2025. (UnliNews Online)