CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang babaeng “high-value target” (HVT) mula sa Laguna noong Sabado (April 12) sa isang entrapment operation sa Lungsod ng San Jose del Monte, na nauwi rin sa pagkakakumpiska ng hindi bababa sa P6.8 milyong halaga ng shabu na nakalagay sa isang tea bag.
Ang dalawa pang kasamahan ng suspek ay nakatakas sa pagkakaaresto.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen Jean Fajardo, kinilala ng Bulacan police ang naarestong suspek na si alyas “Belinda,” 51, kasambahay, at residente ng Biñan, Laguna.
Tinutugis ng mga awtoridad ang mga kasabwat umano ni “Belinda” na isang alyas “Adette,” at isang alyas “Aura,” na mga residente rin ng Binan, Laguna.
Base sa ulat, nagsagawa ng buy-bust operation sa Bgy. Minuyan ang mga anti-illegal drug operatives ng SJDM at nasamsam mula sa naarestong suspek ang isang plastic tea bag na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P6,800,000 gayundin ang isang cellphone, at ang boodle at marked money.
Nakakulong ngayon si “Belinda” sa SJDM City police jail facility at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (UnliNews Online)