MAY kasabihan tayong mga Tagalog na kapag ang isang punongkahoy ay nasa panahong hitik ang kanyang mga sanga sa bunga, asahan na raw na babatuhin iyon ng mga taong nagnanais makatikim ng bungangkahoy. Pero iba naman ang pakahulugan ng kasabihang ito sa tao o sa pangkat na popular o madalas pag-usapan. Sa madaling salita, sikat.
May alam akong partylist group na kilalang kilala ngayon hindi lamang dito sa Bulacan kungdi sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na kanilang pinupuntahan at ito ay ang Vendors Partylist na ang first nominee ay si Marilou Laurio Lipana. Ang iba pang nominees ay ang YouTube sensation na si Deo Balbuena na kilala sa kanyang bansag na “Diwata Pares Overload”. Kasama rin sa nominees ang mediaman na si Lorenz Pesigan at ang kababayan ko sa Plaridel na si Ronald Carlos.
Bakit ko ikinumpara sa punongkahoy na hitik sa mga bunga ang Vendors Partylist? Dahil talk of the town ang samahang ito ng mga manininda. May grupo din kasi na nagnanais na ma-disqualify ang Vendors Partylist kesyo hindi naman daw simpleng manininda lamang ang ilang nominees ang Vendors kaya hindi umano dapat maging nominees ng isang marginalized sector tulad ng mga vendors o manininda.
Anoman ang kalagayan sa buhay ng nominees ng Vendors Partylist ay nasa puso naman nila ang adbokasiya na tulungan, suportahan at pakinggan ang hinaing ng mga manininda. Mayroon ngang ibang grupo na ang adbokasiya ay tulungan at suportahan ang mga magsasaka gayong hindi naman magbubukid o tumatapak man lang sa putik ang lider nila pero maraming programa siyang naisakatuparan nang siya ay mahalal para sa sektor na kanyang nirerepresenta.
Pero para naman sa mga vendors nakasilip daw sila ng magandang oportunidad sa Vendors Partylist lalo na ang mga maliliit na manininda na laging kinakapit sa patalim ng ‘five six’ ang sistema ng pagpapautang na kinakaltasan ng 20 porsiyento ng usurero o bumbay ang kanilang kliyente kaya kahit walang kita ang tindera ay obligado siyang magbayad ng tubo sa pera na kanyang inutang.
Pero sa platapormang inilahad ng Vendors Partylist, magtatayo sila ng kooperatiba na magpapautang sa mga miyembro ng coop na manininda na rasonable ang tubo — walang five six at lalo walang emergency loan na lingguhan kung kumaltas ng tubo sa taong pinautang sa ilalim ng sistemang ’emergency’. Sa kooperatiba na programa ng Vendors Partylist abot-kaya ng bulsa ang tubo sa puhunan na uutangin nila sa kooperatiba. Ang pera ng kooperatiba ay tanging ang mga miyembro nito ang higit na makikinabang.
Mangyayari ang lahat ng ito kapag sinuportahan ng mga vendors sa Mayo 12, 2025 ang Vendors Partylist na magsisilbing tinig ng mga Maninindang Pilipino sa Kongreso. (UnliNews Online)