LUNGSOD NG MALOLOS — Dahil sa masusing operasyon laban sa iligal na droga na isinagawa ng Malolos PNP Station Drug Enforcement Unit (SDEU) noong Sabado (April 26), matagumpay na naaresto ang 2 suspek na sangkot sa pagpapalaganap ng iligal na droga sa Sitio San Roque, Barangay Sto. Rosario at sa mga kalapit na lugar sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat na isinumite kay Col. Franklin P. Estoro, Officer-in-Charge ng Bulacan PPO ni Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, Malolos City Chief of Police, nagsagawa ang SDEU ng Malolos City Police Station ng operasyon laban sa ilegal na droga noong Abril 26, 2025, dakong alas-4:30 ng hapon sa Sitio San Roque, Brgy. Sto. Rosario kung saan nagresulta ng pagkakaresto kina alyas “Ambet” at alyas “Akang”.
Nakumpiska mula sa 2 suspek ang anim na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 5.6 grams at may kabuuang halaga na P38,080 base sa standard drug price, kasama ang marked money na ginamit sa buy-bust operation.
“Ang patuloy na operasyong ito ay bahagi ng ating patuloy na kampanya laban sa iligal na droga. Patuloy tayong magtutulungan upang masugpo ang salot na ito sa ating lipunan,” ani Geneblazo.
Ang mga suspek na kasalukuyang nasa kustodiya na ng Malolos PNP at sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng RA 9165 o ng Congprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Ayon pa kay Geneblazo, nanatiling matatag ang Bulacan Police Provincial Office, sa pamumuno ni Col. Estoro laban kontra kriminalidad. Sa patuloy at pinaigting na mga operasyon, nagawang arestuhin ang mga suspek sa droga, bilang patunay ng dedikasyon ng kapulisan na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)