LUNGSOD NG MALOLOS — Sinuspinde ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando ang provincial jail warden at jail guards dahil sa pagpayag sa mga person deprived of liberty (PDLs) na maglabas masok sa Bulacan Provincial Jail.
Ayon kay Fernando, binigyan ng Commission on Elections (Comelec) ang provincial government noong Abril 22 ng “clearance” para ipataw ang preventive suspension laban sa provincial warden na si retired police Colonel Rizalino Andaya.
Ang pagsuspinde ay kaugnay ng pag-aresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG) Bulacan Field Office sa dalawang preso na malayang pinayagang pumasok at lumabas nang walang anumang clearance o utos ng korte.
Ayon pa sa gobernador na kabilang sa mga nasuspinde rin ang naarestong jail guard at dalawa hanggang tatlo pang jail guard na hindi pa pinangalanan.
Si Andaya at ang kanyang mga jail guard ay posibleng mahaharap sa mga kasong administratibo, ayon kay Fernando.
Matatandaang noong Abril 13 bandang alas-5 ng hapon sa Barangay Dakila, Malolos City, inaresto ng Bulacan CIDG sina PDL Abdua Arajalon at Mario San Jose, matapos makatanggap ng impormasyon na malaya silang makalabas sa Bulacan Provincial Jail kahit may mga nakabinbing kaso.
Si Arajalon ay sinasabing dating miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT), “mayor” ng Bulacan Provincial Jail, at miyembro ng Sputnik Gang na nahaharap sa kasong murder, habang si San Jose ay “chairman ng Barangay 11” sa kanilang selda na nahaharap sa kasong homicide at miyembro din ng Sputnik Gang.
Inaresto rin ang escort jailguard na si Tee Jay Jimenez dahil sa “illegally escort a detainee without court authorization” at ang asawa ni Arajalon na si Sarah Wahid dahil sa pagsasabwatan umano sa pagbibigay ng pahintulot sa mga detainee na tumakas.
Arestado ang apat habang sakay ng pulang Toyota Hilux. Narekober din sa kanila ang isang kalibre .45 at isang Glock .9mm. (UnliNews Online)