CAMP OLIVAS, Pampanga — Dalawang mataas na opisyal ng Northeastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) ang naaresto sa isang Comelec checkpoint sa Barangay Balete, Tarlac City, Lunes ng umaga (April 28).
Kinilala ang mga naaresto bilang sina alyas Paduk/Ado/Jing, 66 anyos, at alyas Dalay, 60 anyos, kapwa residente ng Purok Kamansi, Barangay Bayan, Marihatag, Surigao del Sur. Si Alyas Paduk ay itinuturing na 1st Deputy Secretary ng NEMRC at Secretary ng SRC Southern Luzon, habang si Dalay ay nagsisilbing 1st Deputy Secretary ng SRC Southern Luzon, NEMRC.
Ang operasyon ay pinangunahan ng mga tauhan ng Tarlac City Police Station Checkpoint Personnel at Warrant Section, katuwang ang 10th Intelligence Service Unit (ISU) ng AFP, Army Intelligence Regiment (AIR), at 3rd Mechanized Battalion ng Armor Division, Philippine Army.
Ayon sa ulat, sinilbihan ng Warrant of Arrest ang mga suspek para sa kasong Destructive Arson sa ilalim ng Criminal Case No. 6524 na inilabas ni Hon. Fernando R. Fudalan Jr., Acting Presiding Judge ng RTC Branch 7, Bayugan City, Agusan del Sur, noong Enero 30, 2020. Walang piyansang inirekomenda para sa kasong ito.
Matapos ipaalam ang kanilang mga karapatan, ang mga akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Tarlac City Police Station para sa kaukulang disposisyon. Gumamit ng Alternative Recording Device (ARD) ang mga awtoridad sa pagsilbi ng warrant, bilang bahagi ng mga itinakdang alituntunin.
Sa pahayag Brig. Gen. Jean S. Fajardo, Regional Director ng Police Regional Office 3 (PRO3), sinabi nito: ” Ang matagumpay na pagkakaaresto kina Felizardo at Virgie Valdez ay patunay ng matibay na ugnayan at kooperasyon ng ating kapulisan at kasundaluhan sa paglaban sa mga banta sa ating seguridad. Patuloy nating paiigtingin ang pagpapatupad ng batas upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, lalo na ngayong papalapit ang halalan. Hinihikayat din natin ang publiko na makipagtulungan at manatiling mapagmatyag para sa kaligtasan ng bawat isa.”
Binanggit din ni Fajardo ang kahalagahan ng koordinasyon at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa matagumpay na pagpapatupad ng batas. Ayon sa kanya, sa pamamagitan ng sama-samang aksyon ng PNP, AFP, at iba pang yunit ng gobyerno, napapalakas ang seguridad sa mga komunidad at napipigilan ang mga kriminal na aktibidad, isang mahalagang hakbang lalo na ngayong nalalapit ang halalan.
Samantala, muling pinaalalahanan ng PRO3 ang publiko hinggil sa kahalagahan ng mga Comelec checkpoint bilang bahagi ng mas pinatibay na seguridad upang matiyak ang isang mapayapa, maayos, at patas na halalan. (UnliNews Online)