PANDI, Bulacan — “Sa lahat ng lugar sa bansa na napuntantahan ng “Pamilya Ko” Partylist, lahat ay nagkaroon ng malalalim na ugnayan sa mamamayan. At ang susunod na yugto ng buhay ng partylist ay nasa kamay na ng mga Pilipino.”
Ito ang mga salitang namutawi kay Atty. Anel Diaz, 1st nominee ng Pamilya Ko Partylist ng magsalita sa harap ng may 1000 residente dito sa bayan ng Pandi noong Lunes (May 5) para sa kanilang huling kampanya sa probinsiya ng Bulacan.

Ayon pa kay Diaz sa panayam ng mga mamamahayag, “ang Pamilya Ko Partylist ay hindi nagkulang sa pagpapaliwanag kung ano ang aming adbokasiya at ano ang aming ipinaglalaban. Amin lang na pinagdarasal na sana ang aming programa ay naging makabuluhan at marami sa ating mga kababayanan dito sa Bulacan ang naniwala sa aming isinusulong.”
“At anuman ang mangyari sa darating na halalan, meron na po tayong nasimulan at kung anuman ang ating nasimulan dito sa Bulacan ay hindi naman agad-agad na mawawala. Kumbaga, tayo ay may naipundar na, may naitanim na at panahon na lang ang magsasabi. Hopefully, ngayong eleksyon pero kung hindi man sa mga darating na panahon,” dagdag pa nito.
Buong pagmamalaki naman na sinabi ni Atty. Diaz na ang Pamilya Ko Partylist ay para sa pamilyang Pilipino, kabilang dito ang pamilyang nagsasama sa iisang bubong, tulad ng kasal, mag live-in partners, solo parents, OFWs, mga senior citizen, PWDs at ang mga miyembro ng LGBTQIA+.

Ang No.150 sa balota ang magiging kasangga ng mga pamilyang nasa mga kanayunan na higit na mas nangangailangan ng pagkalinga.
Nilinaw din ng unang kinatawan ng nasabing partylist, na ang anyo ng magandang pamumuhay ay nakasalalay sa bawat isang pamilyang naghahanap ng totoo at tunay na masisilungan sa panahon ng kagipitan.
Bitbit rin ng Pamilya Ko Partylist ang mga proyektong pangkabuhayan o livelihood project para mas masaganang kinabukasan pamilyang Pilipino sa bansa at katuwang ang Pamilya Ko Foundation.
Naniniwala siya, ayon pa kay Atty. Diaz, na may puwang ang partido na Pamilya Ko Partylist sa pangangailangan ng mga residente sa Class A Municipality na bayan ng Pandi.
Sa kasalukuyan, nasa 12 lalawigan na ang kanilang napuntahan, mula sa Cebu, Tawi-Tawi, NCR, Bacolod, Bataan, Batangas, Cavite, General Santos City, Iloilo, Manaoag, Pangasinan, Dumaguete, Manila, Lucena, Negros, Rizal, at lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)