TINIYAK ni Senator Alan Peter Cayetano na tuloy-tuloy ang pagtatayo ng New Senate Building (NSB) at ginagawa ito sa mas mababang halaga nang hindi isinusugal ang kalidad.
“Full steam ahead, hindi madi-delay at ibinababa y’ung presyo [ng gusali],” pahayag ni Cayetano sa isang media interview sa Senado nitong April 30, 2025.
Si Cayetano ang namumuno sa Senate Committee on Accounts na siyang may hawak sa proyekto.
Ayon sa kanya, may plano na para sa isang briefing at site visit sa susunod na linggo, depende sa schedule ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.
“I’ll try to get his schedule next week… But kung hindi man, I’ll just give you a one-pager so that you know the direction [of the project],” wika niya sa mga mamamahayag..
Nagpasalamat din si Cayetano kina dating senador Panfilo “Ping” Lacson at Senador Nancy Binay na mga nauna ring namuno sa accounts committee. Aniya, nakatulong ang kanilang isinulong na transparency para sa kasalukuyang direksyon ng proyekto.
“We owe to both Senator Lacson and Senator Nancy na transparent na makita nila y’ung direction at y’ung findings,” wika niya.
Ibinahagi rin ng senador na halos 75 porsyento ng report ng komite sa konstruksyon ng gusali ay tapos na.
Nilinaw din niya na ang tungkulin niya ay hindi para mag-imbestiga ng mga isyu kundi tiyakin na matatapos ang gusali sa tamang panahon at sa mas mababang halaga.
“Ang trabaho namin is to have the best Senate building at the soonest possible time at the least cost. Hindi ko trabaho in this committee to look for anomalies,” wika niya.
“My reports will be factual,” dagdag niya. (UnliNews Online)