LUNGSOD NG MALOLOS — Inaresto ng mga pinagsanib na pwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang dalawang Chinese national noong Miyerkules (May 7) sa isang subdivision sa Barangay Sabang, Baliwag, Bulacan.
Inaresto ang mga suspek dahil sa pagkakaroon ng International Mobile Subscriber Identity o IMSI catcher, isang kagamitan na may kakayahang humarang ng mga mensahe mula sa mga gadget ng komunikasyon tulad ng mga cellular phone na ginagamit para sa espiya.
Sinabi ni Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director Maj. Gen. Nicolas Torre III na nasakote ng mga operatiba ng CIDG, kasama ang lokal na pulisya at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), ang dalawang Chinese national na kinilalang sina Feng at Shi, sa Primavera Homes, Brgy. Sabang.
Ayon pa kay Torre na ang IMSI catcher ay isang mapanganib na aparato na maaaring ikompromiso ang privacy ng mga indibidwal at maging ang pambansang seguridad.
“Sa pag-aresto sa mga suspek at pagkumpiska ng mga device na ito, napigilan namin ang cybercrimes at posibleng pagharang, pag-imbak, at paggamit ng impormasyong nakuha mula sa iba’t ibang kagamitan sa komunikasyon, partikular na ang mga cellphone, na mangyari,” saad ni Torre.
Ang mga suspek na nakakulong sa CIDG Bulacan Provincial Field Unit ay sasampahan ng kaso sa National Prosecution Office dahil sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012. (UnliNews Online)
Sources: PNA & Brigada Manila