LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Tinanggal na ang mga namumuno tulad ng pangkahalatan “mayor” at “chairman” ng mga brigada sa loob ng Bulacan Provincial Jail para sa kapayapaan at ikapapanatag ng loob ng mga detinado at ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon kay ret. Col. Manuel Lukban Jr., officer in charge ng Bulacan Provincial Jail noong Biyernes (May 9), isa itong hakbang para tuluyan na ring magkaisa ang mga pangkat o grupo sa loob ng nabanggit na piitan na naging sentro ng kontrobersiya kamakailan.
Hindi rin lang mga mayor at chairman ang inalis ni Lukban, tinanggal din nito ang kooperatiba ng piitan na siyang umanong pinagmumulan ng korapsyon.

Binuo rin ni Lukban ang programang “Good Management Committee” sa pamamagitan ng mga ama ng grupo ng Sputnik, Bahala Na Gang, Commando, Batang City at Macopa.
Samantala, boluntaryong isinuko ng mga inmates o Persons Deprived of Liberty (PDLs) ng panlalawigang piitan ang mga ipinagbabawal na gamit at mga nakamamatay na sandata sa pamunuan ng naturang piitan.
Kabilang sa mga isinurender ng mga detinado ay ang mga pinagbabawal na gadgets tulad ng mga cellphones at powerbank kabilang na rin ang mga gamit na air conditioned, washing machine at mga bote ng pabango.
Isinuko rin ng mga inmates ang 58 maliit na tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) na mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng nasabing piitan.

Sa kabuuan ay nasa 1,338 inmates ang mga nakakulong sa Panlalawigang Piitan kabilang dito ang 168 na babae.
Tiniyak rin ng OIC jail warden, na magiging maayos na ang pamamahagi ng pagkain sa mga detinado dahil tinatakal na ito upang lahat ay magkaroon ng rasyon ng pagkain.
Katunayan, ipinakita sa mamamahayag ang maputing kanin at maayos na luto ng mungo na may halong karne ng manok.
Samantala, dagdag pa ni Lukan, pangangasiwaan ng “ama” ng bawat pangkat ang lahat ng suplay na sabon, toothpaste at iba pang pangangailangan ng mga PDLs sa maliit na halaga lamang.
Ayon kay alyas Kevin, kinikilalang ama ng grupong Sputnik na may 800 miyembro nananiniwala siya sa mga bagong polisiya at inaasahan na magiging maayos ang mga pagpapatutupad ng mga bagong alintuntunin sa loob ng piitan.
Kaugnay sa darating na halalan sa Lunes (May 12), ang lungsod lamang ang Malolos ang magsasagawa ng eleksyon sa loob ng nasabing provincial jail, kung saan nasa 104 na PDLs lamang ang kwalipikadong makakaboto sa araw ng halalan. (UnliNews Online)