NITONG araw ng Biyernes Mayo 16, 2025 ay may usapan kami ng mga kasama kong mediamen na pupunta kami sa Sta. Maria, Bulacan at ang meeting place namin ay sa harap ng Alfamart sa Bungahan, Malolos sa barangay ni Malolos City Mayor Christian D. Natividad, dahil ang sasakyan naming gagamitin ay ang kotse ni Rommel Manahan, na taga barangay Sumapang Matanda, sa gawing unahan lang ng Bungahan.
Ang usapan pa naman namin ni Erwin ay makikiparada muna ang aming mga motorsiklo sa gilid ng Alfamart kung papayagan kami na makiparada doon at sasakay na lang kami sa kotse ni Rommel patungo sa aming pupuntahang lugar at saka na lang namin babalikan ang aming mga motorsiklo pagkatapos ng aming news coverage.
Bago mag alas nuwebe ng umaga nang dumating ako sa Alfamart Bungahan. Bumili muna ako ng bottled water na Wilkins sa Alfamart pagkabayad ko sa tubig na aking binili ay lumabas na ako at naupo sa upuan sa labas ng tindahan ng Alfamart habang hinihintay ko ang pagdating nila Rommel Manahan, Erwin Bunag at Maverick Marcelo, pawang reporter ng Bulacan.
Dahil naiinip na ako sa pagdating ng aking mga kasama, dahil kinuha ko ang aking cellphone sa bag at nag-chat ako kay Erwin at sinabi ko na naroon na ako sa Alfamart Bungahan. Nag-reply sa akin si Erwin Bunag, at sinabi niya na nabago ang oras ng aming lakad. Sa halip na 9:00 umaga ay 11:30 umaga na lang daw.
Sinabi niya na umuwi muna ako at sinabi pa niya na sa McDonald Tikay na lang kami magkikita-kita kaya tumayo na ako at pumunta sa aking motorsiklo na nakaparada sa harap ng Alfamart. Habang ako ay nagsusuot ng long sleeve at helmet ay may isang naka unipormeng pulis na dumating galing sa gilid ng Bungahan barangay hall. Katabi lang kasi ng Alfamart store ang barangay hall.
Habang umuusad ng marahan ang aking motorsiklo palabas ng paradahan ng Alfamart at pa-right lane ako papuntang Sumapang Matanda, nang napansin ko na kinukuhanan ako ng cellphone camera ng pulis at naka selfie mode pa siya. Tumingin ako sa paligid at wala namang ibang tao na kinukuhanan niya kaya inisip ko na ako ang kinukuhanan ng video ni mamang pulis.
Ang tanong ko lang mamang pulis kung ikaw man ay pulis Malolos, kailangan bang kuhanan ng cellphone camera ang parukyano ng Alfamart? Ipagpalagay na ako ay nakiupo sa upuan sa labas ng tindahan ng Alfamart dahil hinihintay ko ang aking mga kasama bakit mo naman ako kukuhanan ng video? Para ba maplakahan ang aking motorsiklo?
Lugar pa naman ni Mayor Christian ang barangay na kinaroroonan ng Alfamart at bakit umakto ng ganon ang pulis sa harap ng Alfamart Bungahan. Hindi naman ako istambay lang. Bawal na kayang makiupo at maghintay ng aking mga kasama sa Alfamart dahil nakiupo ako sa upuan nila sa labas ng tindahan o may tamang hinala ang tauhan ng tindahan sa nakikiupong costumer kaya ako binidyuhan ng pulis? Nagtatanong lang po at nagtataka. (UnliNews Online)