LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Matapos masira ng ikatlong gate ng Bustos Dam noong Mayo 1, mariing hiniling nina Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Chairman at Gob. Daniel R. Fernando sa mga kinauukulan na agarang panagutin ang kontraktor ng dam sa paggamit nito ng substandard na mga materyales, ani Provincial Public Affairs Office nu’ng Friday.
Sa isang pagpupulong sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at National Irrigation Administration (NIA) noong ika-21 ng Mayo sa NIA Command Center sa Quezon City, nanawagan si Fernando sa kongreso na ipatawag ang TP Construction, Inc. – Guangxi Hydroelectric Construction Bureau Co., Ltd. Consortium dahil sa kapabayaan nito.
“Nananawagan ako sa kongreso, nananawagan po ako sa ating mga congressman at congresswoman, maaari po ba na ipatawag natin sa kongreso ‘yang contractor na ‘yan para malaman at maimbestigahan ‘yan,” aniya, habang binibigyang diin na ang NIA ang naaangkop na ahensiya para humiling nito sa kongreso.

Ipinunto rin ng gobernador kay Eduardo Eddie G. Guillen, miyembro ng lupon ng mga direktor ng NIA, ang pangangailangan sa kagyat na pagpapalit ng limang natitirang rubber gates ng Bustos Dam upang maiwasan ang posibleng pagkasira ng mga ito lalo’t papalapit na ang tag-ulan at inihahanda na rin ng mga magsasakang Bulakenyo ang kanilang mga sakahan.
“Pagdating po ng tag-ulan, iyon po ang pinangangambahan namin. Kapag po dumating ang malalakas na ulan, na na-experience na namin noong nakaraang taon pa, magpapakawala kayo ng tubig, mamaya hindi na ‘yan makayanan ng mga natitira pang gate, bigla ng sumabog. Ano na po’ng gagawin natin?” dagdag niya.
Iginiit din ng kongresista na si Abgd. Danilo A. Domingo sa NIA na gamitin ang lahat ng pondong nakalaan para sa pagpapalit at pagsasaayos ng mga sirang gate sa lalong madaling panahon.
“[That money] should be utilized. Apparently, ang atin pong initial evaluation, it should be utilized immediately. Hindi na po tayo pwedeng magbagal-bagalan ngayon sapagkat, kung hindi po natin makokontrol ‘yung nasirang gate, mas lalong hindi po natin makokontrol ‘yung mga paparating na bagyo at ‘yung tubig na babagsak na mas malaki po,” ani Domingo.
Nagpadala ang NIA ng liham sa Office of the President noong ika-7 ng Mayo upang humingi ng suporta sa pasilitasyon ng alokasyon ng pondo na P1.5 bilyon para sa pangkalahatang rehabilitasyon ng mga rubber gate ng Bustos Dam.
Sinusugan din ito ni Fernando at sinabing dapat na maprayoritisa ang nabanggit na budyet kasabay ng pagpapanagot sa kontraktor. Samantala, binigyang diin naman ni Congresswoman Augustine Dominique “Ditse Tina” C. Pancho ang pagkakaiba ng klima noon kumpara sa mataas na heat index at maraming bagyo na nakaaapekto sa mga buhay at kabuhayan ng mga Bulakenyo, kaya aniya, kailangang agaran na maisaayos ang lahat ng gates ng dam.
Iminungkahi naman ni Congressman-elect Mark Cholo I. Violago na dapat ay ma-blocklist na ang kontraktor kahit pa magpalit ng pangalan ang kumpanya nito.
Sa kabilang banda, ipinangako naman ng NIA na pangungunahan nito ang paghahanap sa nararapat na solusyon para dito, ngunit kailangan din anila ng suporta mula sa lalawigan upang iendorso ang kaso sa kongreso at Office of the President kung kinakailangan. (UnliNews Online)