CAMP OLIVAS, Pampanga — Isang dating sundalo ang naaresto kaugnay ng kasong murder at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kaugnay rin ng mga probisyon ng Omnibus Election Code, matapos ang insidente ng pamamaril Miyerkules ng gabi (May 21) sa Barangay Siling Bata, Pandi, Bulacan.
Ayon sa naging ulat ng pulisya na isinumite kay Col. Franklin Estero, Bulacan provincial director (OIC), naiulat ang insidente sa Pandi Municipal Police Station bandang 12:30 ng madaling araw, Mayo 22, 2025.
Kinilala ang biktima sa alyas “Jose,” 53 taong gulang, may asawa, isang construction worker, tubong Bohol at residente ng naturang barangay.
Naaresto naman ang suspek na si alyas “Manny,” 70 taong gulang, retiradong sundalo, tubong Nueva Ecija at kasalukuyang naninirahan din sa Barangay Siling Bata sa Bayan ng Pandi.
Ayon sa ulat, kaagad na ipinagbigay-alam sa Pandi MPS ang insidente ng pamamaril. Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng pulisya at pagdating sa lugar ay natagpuan nilang wala nang buhay ang biktima. Naaresto rin sa pinangyarihan ng krimen ang suspek.
Narekober mula sa kanya ang isang improvised firearm na pinaniniwalaang ginamit sa krimen. Humiling ng tulong ang Pandi MPS mula sa PFU3 para sa SOCO processing, habang ang suspek ay dinala na sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Police Brigadier General Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3: “Mahigpit nating tinututukan ang lahat ng insidente ng karahasan. Ang mabilis na aksyon at pagkakaaresto sa suspek ay patunay ng kahandaan ng ating kapulisan na protektahan ang ating mga komunidad. Hindi natin papayagang gambalain ang katahimikan ng rehiyon.”
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon habang inihahanda na ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa suspek. (UnliNews Online)