CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nasakote ng Malolos PNP ang isang lalaki na hinihinalang miyembro ng “Budol-Budol” gang at makuhanan ng mga pekeng dolyar sa Barangay Bungahan noong Miyerkules (May 21).
Base sa naging ulat kay Col. Franklin Estoro, acting Bulacan police director, kinilala ang suspek na si alyas “Mario,” residente ng Barangay San Jose Patag sa bayan ng Santa Maria habang ang biktima ay isang 78-anyos na biyudo mula sa Barangay Bungahan sa Lungsod ng Malolos.
Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat na nakumbinsi ng suspek ang biktima na ibenta sa kanya ang mga alahas nito.
Matapos ang transaksyon, binayaran ng suspek ang biktima ng pekeng pera at mabilis na kinuha ang mga alahas at umalis sakay ng isang puting Nissan Sentra na kotse.
Dito na napagtanto ng biktima na peke ang perang ibinayad sa kanya ng suspek kaya agad na humingi ng tulong sa mga bystanders na nakatawag ng atensyon ng isang dumaan na police mobile car at nabatid ang nangyaring insidente kaya agad na nagsagawa ng hot-pursuit operation na kalaunan ay nadakip ang suspek.
Narekober ng pulisya sa suspek ang mga alahas ng biyudo kasama ang isang Kalibre .38 na revolver na may apat na bala at samu’t saring mga pekeng pera sa iba’t ibang denominasyon.
Dinala ang suspek sa City of Malolos Police Station at nahaharap ngayon sa kasong estafa at paglabag sa RA 10591 in relation to Omnibus Election Code. (UnliNews Online)