CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Dahil sa maagap na pagresponde ng kapulisan ng Malolos, dalawang armadong holdaper ang naaresto sa Diversion Road, Barangay Mabolo, Lungsod ng Malolos nu’ng Sabado ng madaling araw (Mayo 24).
Ayon sa ulat na isinumite kay Col. Franklin P. Estoro, Officer-in-Charge ng Bulacan PPO, kinilala ang mga suspek sa mga alyas na “Yuan,” residente ng Tondo, Maynila, at “Karl,” residente ng San Nicolas St., Binondo, Maynila.
Naaresto umano ang mga suspek ayon pa kay Col. Estoro sa pamamagitan ng mabilis na aksyon ng Tactical Motorcycle Response Unit (TMRU) ng Malolos Police Station.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na ang biktima na itinago sa alyas na “Raul” ay pauwi sakay ng kanyang motorsiklo nang biglang harangin ng mga suspek na sakay rin ng isang motorsiklo. Bumaba ang isa sa mga suspek na naka-backride, at nagdeklara ng hold-up, at sapilitang kinuha ang isang bag ng biktima habang tinututukan ito ng baril.
“Agad itong nirespondehan ng mga tauhan ng Tactical Motorcycle Response Unit (TMRU) na kasalukuyang nagpapatrol sa nasabing lugar. Nagkaroon ng habulan na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek,” saad ni Col. Estoro.
Narekober mula sa mga suspek ang isang kalibre .38 baril na kargado ng 2 bala, isang replika ng baril na kulay itim, 1 cellphone, pitaka, isang beige na pouch, motorsiklong Yamaha Mio Fazzio, at pera na nagkakahalaga ng P2,511.00.
Kasalukuyang inihahanda ang kasong kriminal para sa Robbery at paglabag sa RA 10591 kaugnay ng Omnibus Election Code (OEC) para sa kaukulang pagsasampa sa korte.
Ang pinaigting na kampanya ng Bulacan PNP laban sa kriminalidad at karahasan, gayundin ang mabilis at epektibong tugon batay sa intelihensya upang mapigilan ang mga taong nagpapalaganap ng takot at karahasan sa komunidad, ay patuloy na isinasagawa nang may buong determinasyon. (UnliNews Online)