CAMP ELEJO SANTOS, Bulacan — Isang Regional High Priority Individual at Provincial High Value Target na miyembro ng notoryus na Fernando Criminal Gang ang naaresto ng Bulacan PNP noong Martes (May 27) dakong ala-1:30 ng hapon sa Brgy. Alagao, San Ildefonso, Bulacan.
Ayon sa ulat na isinumite kay Col. Franklin P. Estoro, Officer-in-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Derek,” 50 taong gulang, at residente ng Brgy. Sta. Rita Matanda, San Miguel, Bulacan.
Ayon kay Estoro, ang naarestong suspek ay kilalang miyembro ng Fernando Criminal Gang, isang grupong sangkot sa mga ilegal na aktibidad tulad ng gun-for-hire, gun running, robbery/hold-up, at illegal drugs sa Bulacan at karatig lalawigan.
Ang nasabing operasyon ay pinamunuan ng Provincial Intelligence Unit – Bulacan PPO katuwang ang San Ildefonso MPS sa bisa ng Warrant of Arrest para sa Violation of Section 5 in relation to Section 26, Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa ilalim ng Criminal Case No. 71-M-2021, na inisyu ng Presiding Judge ng RTC Branch 13, City of Malolos, Bulacan, na may no bail recommended.
Sumailalim ang akusado sa kaukulang booking procedure at medical examination sa Bulacan Medical Center bago ito iturn-over sa korte na nag-isyu ng warrant para sa tamang disposisyon.
Ang matagumpay na operasyon ay patunay ng patuloy na kampanya ng Bulacan PNP laban sa mga kriminal na patuloy na nagtatago sa batas.
Ayon kay Estoro, alinsunod sa direktiba ni Brig. Gen. Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3, hindi titigil ang pulisya hangga’t hindi napapanagot sa batas ang mga indibidwal o grupong nagpapakalat ng karahasan at ilegal na droga sa lalawigan. (UnliNews Online)