Wednesday, June 4, 2025
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsBulacan, binigyang pugay ang Mahal na Birheng Maria sa Bulaklakan 2025

Bulacan, binigyang pugay ang Mahal na Birheng Maria sa Bulaklakan 2025

LUNGSOD NG MALOLOS — Bilang pagdiriwang ng Flores de Mayo na namumukadkad nang buong ganda sa kulturang Pilipino, buong pusong inihandog ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office katuwang ang Provincial Tourism Council of Bulacan ang “Bulaklakan: Harana at Bulaklak Para Kay Maria,” isang taimtim na pag-aalay ng mga bulaklak at harana para sa Mahal na Birheng Maria na ginanap sa Vista Mall Malolos kamakailan.

Tampok sa programa ang natatanging harana ng Hiyas ng Bulacan Provincial Band at ang sagala na umikot sa Level 2 Mall Atrium, na sinundan ng seremonyal na pagsasabit ng kwintas na bulaklak sa imahen ng Mahal na Ina na pinangunahan ni Panlalawigang Tagapangasiwa Antonia V. Constantino, ang pag-aalay ng bulaklak at pagsasabit ng rosaryo na pinangunahan ni Winrose Cruz, kinatawan ni Bise Gob. Alexis C. Castro, at ang pagpuputong ng koronang bulaklak na pinangunahan ni Crispin De Luna, kinatawan ni Gob. Daniel R. Fernando.

Sa mensaheng ipinahatid ni De Luna, binigyang diin ni Fernando na muling binuhay ng Bulacan ang isang tradisyong nagsimula sa bayan ng Bulakan, patunay na malalim ang pagkakaugnay ng kultura at pananampalataya ng mga Bulakenyo at nananatiling buhay ang debosyon sa Mahal na Birheng Maria sa puso ng bawat isa.

“Sa ngalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, malugod ko pong binabati ang lahat ng nakikiisa sa makulay at makabuluhang pagdiriwang ng Bulaklakan 2025. Bilang ama ng lalawigan, malapit sa puso ko ang mga ganitong klase ng okasyon. Sa bawat pag-aalay natin ng bulaklak at rosaryo, ramdam ko ang lalim ng ating pananampalataya lalo na sa gitna ng mga pagsubok, at gaya ng ating mahal na Ina, nananatiling matapat sa pananampalataya sa kabila ng lahat ng pagdurusa. Nawa ay magsilbi rin tayong ilaw at pag-asa sa isa’t isa,” aniya.

Ang “Bulaklakan: Harana at Bulaklak Para Kay Maria” ay isang makahulugang testamento ng matibay na debosyon ng mga Bulakenyo sa pamamagitan ng musika, panalangin at kultural na pagpapahayag, na hindi lamang binibigyang pugay ang Mahal na Birheng Maria kung hindi pinatitibay rin ang pagkakaisa ng komunidad sa pananampalataya. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News