CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nakiisa ang Bulacan Police Provincial Office (BulPPO) sa taunang pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Watawat ngayong Miyerkules (May 28) bilang pagkilala at paggalang sa ating pambansang simbolo ng kalayaan, pagkakaisa, at pagmamahal sa bayan.
Ayon kay P/Col. Franklin P. Estoro, Col. Franklin P. Estoro, Officer-in-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, “Ang Watawat ng Pilipinas ay nagsisilbing paalala ng ating kasaysayan at pagkakakilanlan bilang isang malayang bansa. Sa araw na ito, ating ipagdiwang at pangalagaan ang diwa ng patriotismo at bayanihan.”
Dagdag pa ni Col. Estoro, “Ito ay makasaysayang araw na nagpapaalala sa mga Pilipino ng mga sakripisyong ginawa ng ating mga ninuno sa paglaban para sa ating kalayaan.”
Sinabi rin P/Major Jaynalyn A. Udal, BulPPO information officer, “Ang pag-obserba sa araw na ito ay nag-ugat sa Presidential Proclamation No. 374 na inilabas noong Marso 6, 1965, na idineklara ang Mayo 28 bilang paggunita sa petsa na unang iwinagayway ang pambansang watawat matapos talunin ng Philippine Revolutionary Army ang mga pwersang Espanyol sa labanan sa Alapan, Imus, Cavite noong 1898.”
“Higit pa sa isang pirasong tela, ang Watawat ng Pilipinas ay ang sagisag ng mga pakikibaka at tagumpay ng bansa. Ang mga araw tulad ng National Flag Day ay nagsisilbing mahalagang paalala kung sino tayo bilang isang tao,” ani Major Udal.
Kaya naman, hinihikayat ni Major Udal, ang bawat Pilipino na ipakita ang pagmamahal sa ating bayan habang itinataas natin ang Watawat ng Pilipinas ngayong National Flag Day nang may pagmamalaki at karangalan!
Mabuhay ang Watawat ng Pilipinas! (UnliNews Online)