CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Dahil sa sunud-sunod na trahedya ng pagkalunod sa iba’t ibang parte ng lalawigan, ang Bulacan Police Provincial Office (BulPPO) sa pamumuno ni P/Col. Franklin P. Estoro, Officer In Charge, Bulacan PNP, ay naglabas ng mga paalala o Iwas-Lunod Tips para sa mas ligtas na paliligo sa ilog, dagat, o pool — bata man o matanda.
Ayon kay Col. Estoro, “Ang ating kaligtasan ay responsibilidad nating lahat. Sa pamamagitan ng pag-iingat at pakikiisa sa ating mga paalala, maiiwasan natin ang trahedya at mas masisiguro natin ang masayang bakasyon para sa bawat pamilyang Bulakenyo.”
- Huwag maligo mag-isa. Laging may kasama, lalo na ang mga bata at hindi bihasa sa paglangoy.
- Alamin ang lalim at agos. Suriin muna ang tubig bago lumusong.
- Sundin ang mga babala. Igalang ang mga “No Swimming” o “Danger” signage.
- Magsuot ng life vest kung kinakailangan. Lalo na sa malalalim o delikadong lugar.
- Iwasang maligo kung pagod. Pahinga muna bago muling lumangoy.
- Turuan ang mga bata ng water safety. Mahalaga ang kaalaman sa paglangoy at pagtawag ng tulong.
- Huwag uminom ng alak bago maligo. Nakapipinsala ito sa iyong koordinasyon at disiplina sa tubig.
- Bantayang mabuti ang mga bata. Huwag silang iwan kahit isang saglit.
Dagdag naman ni P/Major Jaynalyn A. Udal, “Alagaan ang sarili at ang pamilya. Sundin ang mga paalala ng PNP Bulacan para sa ligtas na summer bonding.”
“Maging mapagmasid tayo at mapanuri tuwing tayo ay naliligo sa ilog, dagat, o pool para maiwasa natin ang aksidente. Sundin natin ang mga Iwas-Lunod Tips mula sa ating Bulacan Police Provincial Office,” pagtatapos ni P/Major Udal. (UnliNews Online)