CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado sa isang manhunt operation noong Sabado (May 31) ang isang most wanted person sa lungsod ng Malolos at Top 5 naman sa talaan ng mga wanted sa provincial level ang isang 20 anyos na lalaki sa Barangay Bagna dahil sa kasong Rape (3 counts).
Base sa ulat na isinumite kay P/Col. Franklin P. Estoro, Officer-in-Charge ng Bulacan PPO ni P/Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, Malolos City police chief, kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Damian,” residente ng Brgy. Bagna, na nahaharap sa kasong Rape (3 counts) na walang inirekommendang piyansa, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Branch 4, Lungsod ng Malolos, Bulacan noong May 7, 2025.
Pansamantalang naka-kustodiya ang suspek sa Malolos City Police Station para sa wastong disposisyon.
Samantala, sa pinaigting na manhunt operation ng mga tracker team mula sa Plaridel, Bustos at Balagtas MPS, tatlong iba pang wanted person ang naaresto sa bisa ng kani-kanilang mga Warrant of Arrest.
Kinilala ang mga suspek bilang alias “Win” naaresto sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, alias “Tino” sa kasong Estafa at alias “Jocel” sa kasong Libel, Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga arresting unit/station ang mga akusado para sa wastong disposisyon.
Binigyang-diin ni Col. Estoro, ang mga direktiba ni P/Brig. Gen. Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3, ukol sa kahalagahan ng mga operasyong ito sa paglaban sa ilegal na droga at paghuli sa mga wanted na indibidwal.
Aniya, “Ang Bulacan Police ay nananatiling matatag sa aming tungkulin na ipatupad ang batas, partikular laban sa mga sangkot sa ilegal na droga at mga taong banta sa kapayapaan ng ating mga pamayanan. (UnliNews Online)