Ni Manny C. Dela Cruz
DINGALAN, Aurora — Nakapanayam ng UnliNews Online kamakailan si Cering Lopez Mariano, dating punong bayan ng Plaridel, Bulacan at ngayon ay isa ng resort owner sa bayan ng Dingalan sa lalawigan ng Aurora. Ang titulong vice mayor ay naging tatak na niya kaya kung tawagin siya ng mga guest na pumupunta sa kanyang resort ay “Vice”.
Tinanong ng may akda si ex-Vice Mayor Mariano kung may plano pa siyang pumalaot sa larangan ng pulitika sa bayan ng Plaridel. “Iyang pulitika ay inalis ko na sa isipan ko mula nang maging salaula at talamak iyang pulitika ng pera. Hindi ako sanay sa sistemang ganyan na kailangan mong suhulan o bilhin ang boto ng mga botante para ikaw ay maluklok sa poder ng kapangyarihan.”

Ayon pa kay Vice Cering, iilan na lamang ang mga botante ngayon na matitibay ang prinsipyo. Nakalulungkot anyang isipin na sa kasalukuyang panahon ay may mga indibidwal at mga pamilya na nasisikmura na ipagbili sa maliit na halaga ang kanilang mga karapatan sa pagboto. Nakalulungkot anya ang parumi nang paruming sistema ng pulitika sa ating bansa. “Kaya tama lang na sabihin na pulitika ng pera ang namamayani sa ating political system.” Dagdag pa ni Vice Cering.
“Ibang iba ang takbo ng pulitika noong panahong aktibo pa ako sa pulitika. Noong araw, ang mga political leader ko pa ang nag-iimbita para mag-caucus ang aming team sa kanilang lugar. Darating kami doon na nakaayos na ang pagdarausan ng caucus at sila na rin ang naghahanda ng pagkain para sa mga taong barangay na inimbitahan. Ganyan ang pulitika noon. Hindi sa pera tumitingin ang mga taong may prinsipyo.” Ayon kay Mariano.
Ayon pa kay Vice Mayor Cering, “Dito sa Dingalan ay hinihimok akong tumakbong mayor pero tumanggi ako sa kanilang alok. Sinabi ko sa aking mga kaibigan at mga kakilala dito masaya na ako bilang negosyante at pribadong mamamayan.” Si Vice Mayor Cering sa kasalukuyan ay abala sa kanyang minementinang resort sa barangay Davil Davilan, sa Dingalan.
Tinawag na “Batis ni Vice” ang kanyang resort na matatagpuan sa gitna ng kagubatan sa dalisdis ng kabundukan kung saan ay nanggagaling sa bukal ang tubig na umaagos sa pool na pinaliliguan ng kanyang mga guest kaya palaging fresh at malinis ang tubig sa pool ng nasabing resort.
Minahal na ng mga mamamayan ng Dingalan si Vice Cering dahil nagdonasyon siya ng lupa sa munisipyo ng Dingalan na pinagtayuan ng Dingalan Water District kung saan sa lupa niyang pag-aari nanggagaling ang bukal na pinadadaloy ng water district sa mga linya ng tubig patungo sa mga kabahayan sa bayan ng Dingalan.
Si Mariano ay naging pangulo din ng Resort Owners Association of Dingalan kaya hindi lamang sa barangay Davil Davilan kilala si Vice Cering kungdi maging sa buong bayan ng Dingalan dahil sa naipamalas niyang mabuting pakikitungo sa Dingaleños.
Bukod sa Batis ni Vice, mayroon din resort ang kanyang maybahay sa barangay Butas na Bato, sa bayan ng Dingalan ang Coastal View Resort, sa mismong beach front. Ayon pa kay Vice Cering, naabot na niya ang lahat ng kanyang pangarap at sa edad na 70 ay kuntento na umano siya sa mga biyaya na ipinagkaloob sa kanya ng Maykapal, at hindi na umano niya linya ang magulo at salaulang sistema ng pulitika. (UnliNews Online)