CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Sa patuloy na pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga, walong drug suspect ang naaresto habang nasa 37.12 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P252,416.00 ang nakumpiska noong Huwebes (June 12) at Biyernes (June 13) sa iba’t ibang bayan sa nasabing lalawigan.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Fraklin P. Estoro , Officer-In-Charge ng Bulacan PPO, naaresto ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malolos CPS ang tatlong suspek na kinilala bilang sina alyas ‘Budede’, alyas ‘Jomel’, at alyas ‘John’.
Nakuha mula sa kanila ang 14 na plastic sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P222,360.00 sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Anilao, Lungsod ng Malolos, Bulacan, dakong alas-8:10 ng gabi araw noong Hunyo 12, 2025.
Samantala, limang indibidwal naman ang naaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Angat, Marilao, at Hagonoy sa magkakahiwalay na operasyon laban sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 4.4 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng Php 30,056.00.
Ang lahat ng mga naarestong suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Binigyang-diin ni Col. Estoro, ang kahalagahan ng mga operasyong ito sa paglaban sa ilegal na droga. Aniya, “Ang Bulacan Police ay nananatiling matatag sa aming tungkulin na ipatupad ang batas, partikular laban sa mga sangkot sa ilegal na droga at mga taong banta sa kapayapaan ng ating mga pamayanan. Layunin naming makamit ang isang mas ligtas at drug-free na Bulacan.” (UnliNews Online)

