SINABI ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Huwebes (June 26) na sinusuportahan niya si Senate President Francis “Chiz” Escudero para manatiling pinuno ng Senado, pero nilinaw niyang hindi pa rin sigurado ang lahat sa darating na 20th Congress.
“I’m supporting Senate President Escudero. I think maganda ang takbo nitong last year,” pahayag ni Cayetano sa isang media interview nitong June 26, 2025.
“Walang perfect na majority, walang perfect na senators or Senate President. ‘Pag nakita mo na may energy, may vision, may prinsipyo [ganoon dapat],” dagdag niya.
Ayon kay Cayetano, tila may sapat na bilang na si Escudero para manatiling Senate President. Pero posible pa rin aniya ang biglaang pagbabago sa mga alyansa, gaya ng nangyari sa mga nakaraang palitan ng liderato sa Senado.
“Until that morning [start of the 20th Congress], lahat pwedeng mangyari. Pwedeng magkaroon ng bagong kandidato, pwedeng magkaroon ng bagong koalisyon,” wika niya.
Pagdating sa iba pang posibleng kandidato sa pagka-Senate President, sinabi ni Cayetano na si Escudero pa lang ang personal na kumausap sa kanya.
“’Yung iba, nababasa ko lang (sa balita),” wika ng senador.
Sa gitna ng mga usaping ito, naghahanda na rin si Cayetano sa posibleng pagbabago sa mga komiteng hinahawakan niya dahil sa inaasahang reorganisasyon.
“Y’ung present kong committees marami, so may bibitawan ako. Wala pa naman [akong] tinitingnan exactly, but syempre, y’ung Blue Ribbon, Justice Committee, anything for lawyers, nandyan din ‘yan,” sabi niya.
“Sabi ko lang kay Senate President Escudero, basta lahat ng pang-abogado, available ako. Pero hindi naman parang ‘take it or leave it,’” dagdag niya.
Sa ngayon, pinamumunuan ni Cayetano ang Senate Committees on Higher, Technical and Vocational Education; Science and Technology; Accounts; at Trade, Commerce and Entrepreneurship.
Inaasahang tuluyang mabubuo ang pinal na line-up ng mga lider at komite ng Senado pagdating ng pagbubukas ng 20th Congress sa huling linggo ng July. (UnliNews Online)