CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Sa patuloy na pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad, matagumpay na nagsagawa ng sunud-sunod na operasyon ang Bulacan police noong Huwebes (June 26).
Ayon sa bagong talagang Bulacan Provincial Director P/Col. Angel Garcillano, sa nabanggit na operasyon, 10 drug suspects at apat na wanted persons ang naaresto, kasabay ng pagkakakumpiska ng 33 plastic sachet ng hinihinalang shabu at 14 sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana na may standard drug price na P615,964.00 mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Bulacan.
Base sa report ni P/Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, Chief of Police ng Malolos City Police Station, naaresto ng kanilang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang 4 na drug suspects na nakilalang sina alias Romeo, Ros, Romy, at Akihiro sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Ligas, City of Malolos, bandang alas 11:15 ng gabi noong Huwebes,. Nakuha mula sa mga suspek ang 12 plastic sachets ng suspected shabu na may estimated street value na P472,600.00.
Samantala, nahuli ng mga operatiba ng Marilao MPS ang isang suspected high-value individual (HVI) na si alias Mic, 43 years old, at residente ng Brgy. Lambakin, Marilao, Bulacan, sa isinagawang buy-bust operation bandang alas-2:30 a.m. noong Friday (June 27).
Nakumpiska mula sa suspek ang isang sachet ng suspected dried marijuana leaves na ibinenta sa undercover operatives kapalit ng P500 marked money with P7,500 boodle money at 13 sachets ng suspected marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P84,000.00, isang sling bag, at isang cal. .38 revolver na walang serial number na may lamang 1 bala at marked monye na ginamit sa operasyon.
Bukod dito, limang indibidwal naman ang naaresto ng mga tauhan ng SDEU mula sa Plaridel, Sta. Maria, Guiguinto, at Baliwag CPS sa magkakahiwalay na operasyon laban sa illegal drugs. Nakumpiska mula sa kanila ang 20 sachets ng suspected shabu na may tinatayang halaga na P59,364.00.
Ang lahat ng mga naarestong suspects ay nasa kustodiya na ngayon ng mga pulis at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa kabilang dako, nagsagawa rin ng hiwalay na manhunt operations ang tracker teams mula sa Meycauayan, San Jose Del Monte, at Baliwag CPS, at Balagtas MPS, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 4 na wanted persons sa bisa ng kani-kanilang mga warrant of arrest.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang mga arresting unit/himpilan ang mga naarestong indibidwal para sa nararapat na disposisyon. (UnliNews Online)

