Monday, August 4, 2025
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsFernando, naglatag ng mga programa para sa kanyang ika-3 termino bilang Gobernador...

Fernando, naglatag ng mga programa para sa kanyang ika-3 termino bilang Gobernador ng Bulacan

UnliNews Online reportorial team

LUNGSOD NG MALOLOS – Opisyal nang nagsimula ang ikatlong termino ni Gobernador Daniel Ramirez Fernando, ang nanatiling punong lalawigan ng Lalawigan ng Bulacan, na nanumpa kay Executive Judge Hermenegildo C. Dumlao II sa ginanap na “Pasinaya at Pagtatalaga sa Tungkulin ng Lahat ng Bagong Halal na Opisyal sa Lalawigan ng Bulacan” sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito noong Linggo (June 29, 2025)

Inilatag ng People’s Governor sa mga nagsidalo kasama ang 86 bagong halal na opisyal, 139 re-electionists, at 41 na nagbabalik serbisyo-publiko, ang pangunahing inisyatibo ng kanyang administrasyon. Kasama sa mga pangunahing programa na ito ang pabahay sa mga Bulakenyo sa pamamagitan ng DHSUD Pabahay Program at Global Homes Consortium, ang mapangaraping Bulacan Mega City Project, at ang pagtatayo ng waste-to-energy facility.

Binanggit rin ang Bulacan Technohub and Innovation Center na kasalukuyang ginagawa, ang modernisasyon ng Bulacan Medical Center at ng iba pang district hospital, ang mahalagang river restoration at dredging projects, at ang paggawa ng Bulacan Farmer’s Productivity Center at Bulacan Animal Breeding Center and Multiplier Farm.

“Marami na tayong nasimulan ngunit marami pa tayong kailangang gawin. Hindi ko po ito makakayang mag-isa. Magtulungan po tayo,” panghihikayat ng gobernador sa kanyang mga kapwa lingkod bayan.

MULING nanumpa si Bise Gobernador Alexis C. Castro para sa kanyang ikalawang termino kasama ang kanyang pamilya sa harap ni Executive Judge Hermenegildo C. Dumlao II sa ginanap na “Pagpapasinaya at Pagtatalaga sa Tungkulin ng Lahat ng Bagong Halal na Opisyal sa Lalawigan ng Bulacan” sa Bulacan Capitol Gymnasium, Lungsod ng Malolos, Bulacan noong Linggo (June 29, 2025). (Kuha ni Jason Estrada)

Sa kabila ng mga hinarap niyang maraming kritisismo sa kanyang nakaraang kampanya, ipinahayag ni Fernando ang kanyang tiwala sa demokratikong proseso at ang tiwala na inilagay sa kanya ng mga Bulakenyo.

“Nanaig pa rin ang katotohanan at ang tinig ng mga Bulakeyo. Binigyan tayo ngayon ng panibagong pagkakataon na maglingkod at magtaas ng antas ng ating serbisyo sa mga Bulakenyo,” ani Fernando, na may hawak ng pinakamaraming bilang ng boto sa lahat ng nahalal na gobernador ng lalawigan.

Nanumpa rin si Bise Gobernador Alexis C. Castro para sa kanyang ikalawang termino, at nangako na pangungunahan ang mga makabuluhang polisiya para sa lahat ng Bulakenyo.

“Panahon na upang tayo’y magtatag ng mahigpit, makatarungan, at makakalikasang mga batas at ordinansa na tunay na magtatanggol sa interes ng bawat pamilyang Bulakenyo, mula sa kalunsuran hanggang sa kanayunan,” anang presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan.

Ipinahayag rin ni Castro ang kanyang pasasalamat kay Fernando, at kinilala ang tiwala at oportunidad na magkaroon ng katuparan ang kanyang mga pangarap para sa lalawigan.

“Katuwang mo ako sa iyong adhikain para sa ating lalawigan. Nakaukit na sa pahina ng kasaysayan ang iyong kadakilaan. Magkasama tayong gumawa ng kasaysayan,” dagdag ni Castro.

Maliban kina Fernando at Castro, pitong kinatawan, 14 bokal, 24 punong bayan at lungsod, 24 pangalawang punong bayan at lungsod, at mga konsehal mula sa buong lalawigan ang nanumpa rin sa nasabing programa, na sumisimbolo sa bagong kabanata para sa pamunuan ng Bulacan. (Verna Santos, Jason Estrada at Allan Casipit)

Mga larawan nina Allan Casipit at Jason Estrada

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News