PANDI, Bulacan — Opisyal nang nanumpa sa tungkulin para sa kanyang ikatlo at huling termino ng paglilingkod si Mayor Enrico Roque kay Hukom Tagapagpaganap Judge Bienvenido B. Almonte Jr. na ginanap sa Amana Royale, Brgy. Bagong Barrio sa nasabing bayan noong Lunes ng umaga (June 30).
Sa harap ng kanyang mga mahal na kababayan, isa-isang inilahad ng masigasig na alkalde sa kanyang mensahe ang mga makabuluhan at natatanging proyekto at programa na nakatakdang matapos sa ilalim ng kanyang pamamahala para sa kapakanan ng mga Pandienyo at para sa mas maunlad na bayan ng Pandi.
Sa kanyang mensahe bilang Panata sa Bayan, inamin ng alkalde na ito na umano ang isa sa mga emosyonal niyang panunumpa sa kasaysayan ng kanyang karera sa pulitika.
“Salamat sa biyaya ng tagumpay. Inyo po ang tagumpay na ito. Mga taong nagtiwala at sumuporta sa inyong lingkod mula sa simula,” ani Mayor Roque.

Buong pagmamalaking inihayag ng alkalde sa mga Pandienyo ang gagawing tatlong palapag na bagong Pamahalaang Bayan sa Brgy. Poblacion. Isa sa pinakamalaking pamahalaang bayan sa lalawigan ng Bulacan na may nakalaang pondo na P200 milyon mula kay Senador Joel Villanueva.
Kasabay umano ng itatayong bagong munisipyo ay ang paggawa ng By-Pass Road mula Pandi hanggang NLEX na naisaktuparan sa tulong ni Gov. Daniel Fernando na pinondohan ni Sen. Joel Villanueva.
“P1 bilyong pondo para sa by-pass road na kasalukuyang ginagawa. Magmumula ito sa Brgy. Poblacion hanggang sa Balagtas Interchange malapit sa dating NFEX,” dagdag pa ng alkalde.
Kasama rin sa mga proyektong nakatakdang umpisahan sa ilalim ng kanyang huling termino ng paglilingkod ay ang school building na magiging Bunsuran III Elementary School at ang karagdagang Rural Health Unit.
Nakatakda rin umanong itayo sa bayan ng Pandi ang pangalawang Jollibee fast food sa Bunsuran 1st, Mang Inasal, Mercury Drug at Macdonald’s.
Binanggit din ng alkalde sa harap ng libu-libong Pandienyo, ang dalawang proyekto na kanyang pinapangarap na matuloy para sa kapakanan ng kanyang mga mahal na kababayan. Ito ay ang Pandi District Hospital at ang Mega City Project na kayang mag-create ng 100,000 jobs employment.
Hindi naman nakalimutan ng alkalde na pasalamatan ang mga taong naging inspirasyon niya para maisakatuparan ang mga programa para sa bayan ng Pandi. Mga taong sinuportahan siya sa kanyang mga programa at proyekto, tulad nina Gov. Daniel R. Fernando, dating Gov. Wilhelmino Sy. Alvarado, Congressmen Apol Pancho at Boy Cruz. Sa mga taong ginamit ng Panginoon para maging katuwang ng alkalde sa kanyang panunungkulan na sina Vice Mayors Rachel Oca Marquez, Lui Sebastian, at Cris Castro, at ang mga dating miyembro ng Sangguniang Bayan.
Pormal ding nanumpa sa tungkulin ang mga halal na lingkod bayan kay Hukom Tagapagpaganap Judge Bienvenido B. Almonte Jr. na sina Vice Mayor Vice Mayor Cris Castro, at ang mga konsehales na sina Doc. Noel Esteban, Jonjon Roxas, Jojon Antonio, Potpot Santos, Danny Del Rosario, Sec. Arman Concepcion, Monette Jimenez at Vic Concepcion.
Nangako naman ng kanilang buong suporta sa lahat ng mga panukala at ordinansa para sa mga Pandienyo ang mga bago at dating miyembro ng Sangguning Bayan.
Naging saksi naman sa makasaysayang programa ang mga guro ng Pandi, Pandi Business Owners, Barangay Chairpersons at SK Chairpersons, Senior Citizen officers, Day Care Center officers, Solo Parents, LGBT, 4Ps officers, PILAK officers at mga hepe ng barangay. (May dagdag na ulat sina Verna Santos at Allan Casipit)