CAMP GEN. ALEJO SANTOS, Bulacan — Sa patuloy na pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga, matagumpay na nagsagawa ng sunod-sunod na operasyon ang mga anti-illegal drug operatives ng Bulacan nitong Miyerkules (July 9).
Sa nasabing operasyon, 12 indibidwal na sangkot sa iligal na droga ang naaresto, kasabay ng pagkakakumpiska ng 29 na plastic sachet ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P629,340.00 mula sa iba’t ibang bayan sa Bulacan.
Base sa mga ulat na natanggap ni Col. Angel L. Garcillano, Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, naaresto ang anim na drug suspect na nakilalang sina alias “Ape,” “Jayson,” “Irene,” “Jerome,” “CJ,” at alyas “JM” sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Banga 1st, Plaridel, Bulacan, bandang 1:45 ng umaga nung Miyerkules. Nakuha mula sa kanila ang 12 plastic sachets ng suspected shabu na may kabuuang street value na P387,600.00.
Sa kabilang operasyon kontra iligal na droga ng Guiguinto Police Station naaresto naman ang tatlong tulak na kinilalang sina alyas “Kim,” “Denden,” at alyas “Russel” sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Sta. Rita, dakong alas-6 ng umaga ng Martes (July 8). Nakumpiska mula sa kanila ang siyam na plastic sachets ng hinihinalang shabu na may kabuuang halaga na P169,000.00.
Bukod dito, tatlo pang durugista naman ang naaresto ng mga awtoridad mula sa San Jose Del Monte at Bustos MPS sa magkahiwalay na operasyon laban sa iligal na droga. Nakumpiska mula sa kanila ang pitong sachet ng suspected shabu na may tinatayang halaga na P72,760.00.
Ang lahat ng mga naarestong suspects ay nasa kustodiya na ngayon ng mga pulis at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (UnliNews Online)