PANDI, Bulacan — Mahigit 500 Pandieño ang naging benepisyaryo “Cash-for-Training” at “Cash-for-Work” payout matapos makumpleto ang tatlong parte ng implementasyon ng Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) at BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished) sa ilalim Risk Resiliency Program – Climate Change and Mitigation ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sumailalim sa komprehensibong pagsasanay ang mga kalahok na sumasaklaw sa pagbawas ng panganib sa sakuna, pagbagay sa pagbabago ng klima, at mga praktikal na kasanayan para sa pag-ani ng tubig, paghahalaman, vermicomposting, at hydroponics.
Ang nasabing seremonya ay nagmarka ng pagtatapos ng 20-araw na implementasyon ng programa at simbolo ng pangako ng mga benepisyaryo na ipagpatuloy ang pangangalaga at pagpapanatili ng nasimulan upang masiguro ang sustainability ng proyekto.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Mayor Enrico Roque si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa walang-sawang suporta at malasakit nito sa mga Pandieño.
Kasama rin sa pinasalamatan ng alkalde ang DSWD Region 3 at MSWDO-Pandi sa kanilang dedikasyon at pagtutok sa matagumpay na pagpapatupad ng programang ito.
Dagdag ni Mayor Roque, “Sa pagtatapos na ito, hindi lang po trabaho ang naibigay natin, kundi pag-asa at mas matibay na ugnayan para sa komunidad. Sa mga itinayong communal gardens at water reservoir, pinatatatag po natin ang kalikasan, seguridad sa pagkain, at diwa ng bayanihan.”
“Patuloy po tayong makikiisa at kikilos para sa mga programang laban sa epekto ng climate change, para sa kalikasan, kabuhayan, at kinabukasan ng bawat Pandieño. Maraming salamat po at sama-sama pa rin tayo, dahil dito sa Pandi, ang bayanihan ay buhay na buhay,” ani Mayor Roque. (UnliNews Online)