ISANG resolusyon ang inihain ni Senador Alan Peter Cayetano noong Huwebes, (July 3) na humihiling sa pamahalaan ng Pilipinas na pakiusapan ang International Criminal Court (ICC) na payagan ang dating Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay sa isang uri ng “house arrest” habang hinihintay ang paglilitis.
Halos nasa apat na buwan nang nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos siyang arestuhin ng Interpol noong March 11, 2025 pagbalik mula Hong Kong.
Inaresto ang dating pangulo base sa isang ICC arrest warrant dahil sa kasong Crimes Against Humanity at agad dinala sa The Hague, Netherlands kung saan siya kasalukuyang nakakulong.
Inihain nitong July 10, 2025, ito ay may pamagatang Resolution Expressing The Sense of the Senate to Urge the Philippines to Advocate Before the International Criminal Court (ICC) for the Interim Release of Former President Rodrigo Roa Duterte (FPRRD), Including Inter Alia Entering Into an Arrangement with the ICC to Receive Custody of FPRRD in a Form of House Arrest or Any Other Appropriate Arrangement In the Premises of the Philippine Embassy in The Hague, Netherlands – na naglalaman sa opinyon ng Senado na dapat payagan ang pansamantalang paglaya ng 80 taong gulang na si Duterte batay sa humanitarian grounds.
Binibigyang diin nito na ayon sa batas ng Pilipinas at maging internasyonal, ang dating Pangulo ay dapat na bigyan ng karapatang ipalagay na inosente hanggang napatunayang siya ay may sala.
“To grant this for the former President would be beneficial to his health, all while presenting no risk to the integrity of the ongoing trial,” ayon sa resolusyon.
Isa sa mga mungkahi ng resolusyon ay ang makipag-ugnayan sa ICC upang ilipat si Duterte sa Philippine Embassy sa The Hague, Netherlands, at doon siya ilagay sa ilalim ng isang uri ng house arrest, modified house arrest, o anumang kaayusang angkop ayon sa desisyon ng korte.
Kailangang sundin sa kaayusang ito ang anumang kundisyon na maaaring ipataw ng Pre-Trial Chamber, tulad ng mga limitasyon sa paggalaw, pananatili sa isang partikular na tirahan, pagbabawal makipag-ugnayan sa mga biktima o saksi, at pagsunod sa mga paanyaya ng korte.
Binanggit din sa resolusyon ang lumalalang kalusugan nin Duterte, na inuugnay sa kanyang katandaan at matagal na pag-iisa. Babala nito, maaaring lubhang maapektuhan ang kanyang pisikal at emosyonal na kalagayan kung mananatili siya sa kulungan.
Sa pagtukoy sa kulturang Pilipino, sinabi rin nito na “bahagi ng ating pagka-Pilipino ang pagmamalasakit sa kapwa, lalo na sa mga matatanda.”
Idinagdag pa sa resolusyon na kahit umatras na ang Pilipinas mula sa Rome Statute, posible pa ring makipagsundo sa ICC sa pamamagitan ng embahada sa The Hague para sa mga kondisyon ng pansamantalang pagkakaaresto. Aniya, sa pamamaraan na ito ay matitiyak ang makataong pagtrato sa dating Pangulo sa pamamagitan ng pagkupkop sa kanya ng embahada.
Binanggit din dito ang naging kaso sa ICC noong 2009 at ang pagbibigay ng pansamantalang paglaya kay Congolese rebel Jean-Pierre Bemba Gombo. Nakalaya si Gombo noon habang hinihintay ang pinal na desisyon sa kanyang sentensiya kaugnay ng isang kaugnay na kaso.
Hinihimok din resolusyon ang pamahalaan ng Pilipinas na ipagkaloob ang parehong courtesy sa dating Pangulo, tulad ng konsiderasyong ibinigay sa mga kilalang personalidad gaya ni Senadora Leila De Lima, na pinayagang ipagpatuloy ang kanyang tungkulin habang nakakulong.
“The least the Philippines could do for its former leader is to advocate for his release and make the necessary arrangements to accommodate him,” sabi pa ng resolusyon.
Nanawagan din ito ng habag at kagyat na aksyon, na nagsasaad na ang pagbibigay kay Duterte ng pagkakataong makasama ang pamilya at mga kaibigan sa kanyang mga huling taon ay isang simpleng anyo ng dangal – at ang pagkakakait dito ay isang uri ng kawalan ng katarungan.
“Marapat lamang na kumilos ang ating gobyerno sa lalong madaling panahon habang hindi pa huli ang lahat dahil ‘ika nga: nasa huli ang pagsisisi,” dagdag pa ng panukala. (UnliNews Online)