Ni Manny C. Dela Cruz/Manny D. Balbin
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Kasalukuyang isinasagawa ang konstraksyon ng water impounding system o ang water interceptor sa kanang bahagi (southbound) ng McArthur Highway sa Barangay Dakila ang siyang magiging tugon o solusyon sa lumalalang krisis sa tubig sa lungsod.
Napag-alaman kay Malolos City Mayor Christian D. Natividad, na ang naturang proyekto na may haba na tatlong kilometro sa kahabaan ng McArthur Highway ay nagsimula kay dating district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineering Office DE Henry Alcantara at itinuloy ng bagong District Engineer na si Brice Ericson Hernandez.
“Kami ni Mayor Natividad ang nag-isip ng proyektong ’yan na magiging tugon sa nararanasang water crisis ng mga Malolenyo sa kasalukayan,” ani DE Alcantara sa isang text message.
Ayon pa sa alkalde, marami pang water impounding facilities na itatayo sa lungsod na ang layunin nito ay maibsan ang kakapusan sa tubig na nararanasan ng mga Malolenyo.
Kapag natapos na umano ang nasabing water Interceptor sa McArthur Highway ng DPHW, magkakaroon ng memorandum of agreement sa local water district para sa paggamit ng tubig sa nasabing impounding facility na ang unang makikinabang sa proyektong ito ay ang mga mamamayan ng Malolos.
Ayon pa kay Mayor Natividad, pararaanin aniya sa water treatment facility ang natipong tubig upang magamit ng mga household maging sa mga pribado at mga pampublikong tanggapan sa pamamagitan ng local water district. (UnliNews Online)