CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Dalawang suspek sa motornapping ang naaresto ng mga operatiba ng Meycauayan City Police Station sa isinagawang hot pursuit operation dakong alas-3 madaling araw nitong Biyernes (July 11) sa Batangas Street, Tondo, Maynila.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Melvin M. Florida, Hepe ng Meycauayan City PNP, kinilala ang mga suspek sa alyas na “JC” at “JB” na sangkot sa kasong paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016).
Ayon kay Lt. Col. Florida, ang operasyon ay isinagawa katuwang ang Bulacan HPG at MPD-DPIOU matapos makatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen.
Narekober sa isa sa mga suspek ang nawawalang Yamaha NMAX 155 na may plakang 819PZN na positibong kinilala ng biktima.
Dinala ang mga suspek sa himpilan ng Meycauayan City Police para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.
Binigyang-diin ni P/Col. Angel L. Garcillano, Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, ang kahalagahan ng mabilis na aksyon upang mapanatili ang seguridad at hustisya sa lalawigan. (UnliNews Online)