CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Natimbog sa isang buy-bust operation ng mga operatiba ng Sta. Maria police ang isang babae na tulak umano ng shabu noong Huwebes (July 10) habang 11 iba pa ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon kontra droga sa Bulacan.
Ayon kay P/Col. Angel L. Garcillano, Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, umabot sa P97,450.00 ang halaga ng hinihinalang shabu at marijuana na nakumpiska ng mga anti-illegal drug operatives.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Voltaire C. Rivera, Hepe ng Santa Maria MPS, naaresto sa isang buy-bust operation si alyas “Rommela,” kabilang sa PNP-PDEA Unified Watchlist. Nakuha mula sa kanya ang anim na plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P54,400.00.
Samantala, sampu pang drug suspects ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng Malolos, Baliwag, Pulilan, at Calumpit Police Stations.
Nasamsam sa mga suspek ang 12 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P26,520.00, at apat na sachet ng hinihinalang marijuana na may halagang P16,530.00, kasama ang buy-bust money.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165.
Ang Bulacan Police Provincial Office sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Gacillano, ay nananatiling matatag sa adhikain nitong sugpuin ang kriminalidad, partikular na ang ilegal na droga.
“Sa patuloy at pinaigting na operasyon, patuloy na naipapakita ng kapulisan ng Bulacan ang kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan,” ani Col. Garcillano. (UnliNews Online)