SAN RAFAEL, Bulacan — Tiwala at suportado ng mga katutubong Aeta at Remontado Dumagat ang mga programang pangkabuhayan na Aredumstrico, ang non-government organization na pinamumunuan ni Suprema Bae Kalikasan Lorilyn I. Tobias.
Bunsod nito ay nagsagawa kamakailan ng pakikipagpulong ang mga Tribal chieftain mula sa Zambales, Bulacan at Bangsamoro sa tanggapan nito sa Barangay Ulingao, San Rafael, Bulacan.
Hinimok ni Suprema Bae Kalikasan ang mga chieftains na palawakin ang pagtatanim ng Cacao, Guyabano, Cafe at Rambutan sa mga lupain na sakop ng native title o ancestral domaine para sa kanilang kabuhayan, kung saan may 68 hektarya na lupain ang mga katutubo sa Tarlac at Bulacan ang maaaring taniman ng fruit bearing trees at iba pang halaman.
Ayon kay Dumagat Tribal Chieftain Rodolfo Delfin a.k.a. Datu Bituin, mula sa Brgy, Camachin sa bayan ng Doña Remedios Trinidad (DRT) Bulacan, “una na silang nagtanim ng nasa 3,000 puno ng Cacao, habang si Aeta Tribal Chieftain Throlie Romualdo mula sa Olongapo-San Marcelino, Zambales, nasa 200 puno na ng saging at puno ng niyog ang kanilang itinanim sa kanilang Ancestral Domaine.”
Samantala, umapila si Bae Kalikasan sa mga Indigenous Peoples (IPs) sa Aurora, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Zambales at Bataan, na walang kinalaman o hindi konektado ang Aredumstrico Agricultural Forest Village Development Foundation Inc., sa anumang transaksyon ng “United As One People’s Organization” at “United As One Sectoral Association.”
Kasunod nito’y muling ipinaalala na ang aplikasyon at koleksyon para sa membership sa Tribal Village ay itinigil na base sa advisory noong Hunyo 2, 2025.
Kaugnay sa validation and update ng kanilang application bago ang nasabing petsa, maari silang magsumite ng kanilang dokumento sa FB Page na Tribal Village-SJDM. (UnliNews Online)

