IIPUNIN sa mga water Interceptor ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tubig-ulan na ibinabagsak sa lupa ng hanging habagat na kasalukuyang itinatayo sa kahabaan ng McArthur Highway, sa barangay Dakila, sa Siyudad ng Malolos.
Ito ay isang bahagi lamang ng proyektong water Interceptor ng Bulacan DPWH 1st District Engineering Office na may haba na 300 metro.
Napag-alaman ng UnliNews, buhat kay Bulacan DPWH 1st District Engineering Office (1stDEO) District Engineer Brice Ericson Hernandez, na hindi magsisilbing water impounding facility lamang ang water interceptor dahil may programang nakalaan ang lokal na pamahalaan para mapakinabangan ang maiipong tubig nito.
Matatandaan na tuwing aktibo ang habagat na sinasabayan ng siyam siyam na pag-ulan ang mababang bahagi ng McArthur Highway ay lumulubog nang higit sa hanggang dalawang talampakan kaya sa nasabing lugar napiling ilagay ang nasabing project ayon kay DE Hernandez na magsisilbing catch basin ng tubig ulan.
Nalaman pa kay Hernandez may plano pa ang ahensiya na maglagay ng water interceptor sa kahabaan ng McArthur Highway na sakop ng DPWH 1st DEO kaya kakailanganin nila ang tulong ng senado at kamara at sa puntong ito ay malaki ang maitutulong ni Bulacan First District Representative Danilo Domingo para maponduhan ang nasabing malaking proyekto.
Kamakailan ay sinabi sa LiteNewsTV ni Malolos City Mayor Christian D. Natividad, magiging kapaki-pakinabang ang nasabing proyekto dahil makikipagtulungan umano ang pamahalaang lokal sa DPWH upang ang magkokolektang tubig sa water Interceptor ay mai-convert sa potable water sa pamamagitan nang paglalagay ng water treatment facilities sa bawat interceptor. (UnliNews Online)