CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nasamsam ng mga operatiba ng Marilao Municipal Police Station mula sa 3 suspek ang ilang gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana at isang hindi lisensyadong baril sa isinagawang anti-drug operation sa Barnagay Loma De Gato noong Miyerkules (July 23) ng madaling araw.
Ayon sa ulat kay Col. Angel Garcillano, acting Bulacan police director, naaktuhan umano ang mga suspek habang gumagamit ng ilegal na droga sa gitna ng operasyon.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 134.2 gramo ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana na may tinatayang halagang P16,104.00, iba’t ibang drug paraphernalia, at isang kalibre .38 revolver na walang serial number na may lamang 2 buhay na bala.
Kabilang sa mga ebidensyang narekober mula sa mga suspek ay ang isang kalibre .38 revolver na walang tatak at serial number, 2 pirasong buhay na bala, 1 itim na belt bag, 7 plastic sachet ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana, 1 sachet na hiwa na at may lamang hinihinalang marijuana, isang glass tube na may bakas ng marijuana, at dalawang disposable lighter.
Ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa nararapat na pagsusuri.
Kasalukuyang inihahanda ang mga kasong kriminal para sa paglabag sa R.A. 9165 at R.A. 10591 upang isampa sa korte.
Ang matagumpay na operasyong ito ng Bulacan PPO ayon kay Col. Garcillano, ay patunay ng kanilang matibay na paninindigan sa laban kontra ilegal na droga.
“Ang pinaigting na kampanya ng mga tauhan ng Marilao MPS ay nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto ng mga suspek, na lalong nagpapatibay sa kanilang pagpapatupad ng anti-crime campaign sa buong lalawigan ng Bulacan,” dagdag pa nito. (UnliNews Online)

