LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Dalawang babae ang naiulat na namatay sa kasagsagan ng Bagyong Crising at Habagat sa bayan ng Bulakan at Lungsod ng Meycauayan.
Kinilala ang isa sa mga biktima na si Cristina Padora na kilala sa komunidad ng Brgy. Bayugo sa alyas na “Tinay”, isang barangay health worker.
Ayon sa ulat nitong Martes (July 22), aksidenteng nakuryente ang biktima sa isang live wire na nalubog sa tubig-baha habang ginagampanan ang tungkulin.
Agad naman isinugod ang biktima sa ospital para sa paunang lunas subalit binawian na siya ng buhay.
Samantala, isang bangkay ng hindi pa nakikilalang babae ang natagpuan sa ilog ng Brgy. Taliptip, Bulakan bandang alas-12:30 ng tanghali.
Ayon sa paunang ulat, isang bangkero na bumabaybay sa ilog patungong Taliptip Fishport ang nabulaga nang makita ang palutang-lutang na bangkay ng isang babae.
Bunsod nito ay mabilis na ipinagbigay alam sa kanilang barangay ang nakita na agad namang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa kaukulang imbestigasyon at mai-proseso ang bangkay na naiahon sa pantalan.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan upang mabatid ang tunay na pagkakakilanlan ng babaeng nalunod sa Barangay Taliptip sa bayan ng Bulakan. (UnliNews Online)

