CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Sa mas pinaigting ng kampanya laban sa iligal na droga, dalawang suspek ang naaresto at tinatayang nasa halagang P340K ng shabu ang nakumpiska ng Malolos PNP sa isang matagumpay na buy-bust operation sa Brgy. San Gabriel, Lungsod ng Malolos noong Lunes ng gabi (Aug. 4).
Ayon sa ulat kay Col. Angel L. Garcillano, acting Bulacan Provincial Director ni Lt. Col. Romel E. Geneblazo, Malolos City chief of police, ang mga suspek na kinilalang sina alyas “Bong,” 47 anyos, at alyas “Jonjie,” 38 anyos, kapwa residente ng Brgy. San Gabriel ay nasakote bandang alas-11 ng gabi ng nabanggit na araw.
Nasamsam sa mga suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang P340,000.00, isang .45 kalibreng baril na walang serial number, anim na bala, isang weighing scale, at gun holster.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga operatiba ng SDEU ng Malolos CPS katuwang ang SOU3 ng PNP-DEG at PDEA RO3. Nasa kustodiya ng Malolos CPS ang mga suspek habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA 9165 at RA 10591.
Sa ilalim ng pamumuno ni Col. Garcillano, patuloy ang masigasig na kampanya ng kapulisan kontra ilegal na droga at pagpapatupad ng batas para sa kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. (UnliNews Online)