MAYROONG mga netizen na Hagonoeños ang nagsabi na dapat daw na baguhin ng media ang linya ng pagsusulat o pagbobrodkast ng balita tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng mga taga Hagonoy na palagian nang nakababad sa tubig ang kanilang mga paa dahil kaulayaw na nila ang tubig-baha na dulot ng high tide araw-araw.
Ayon sa mga netizen na Hagonoeños, huwag na raw sanang gamitin ng mga peryodista ang linyang ‘sanay na sa baha ang mga taga Hagonoy’ at sa halip ay ganito anila ang dapat na isulat: ‘hirap na, hirap at pagod na pagod na sila sa baha ‘. Sasabihin pa anila na parte ng ‘new normal’ ang kanilang sitwasyon ay hindi raw katanggap-tanggap.
May laman ang mensahe ng nais na iparating sa media ng Hagonoeño netizens. Kung magpapalit nga naman ng kalagayan tayo na namumuhay sa kalagayan na hindi binabaha at sila na inaalipunga na ang kanilang mga paa sa palagiang pagkakababad sa tubig sa tuwing nagkaka-high tide sa kanilang bayan araw-araw ay baka hindi tayo tumagal sa gayong ka miserableng kalagayan.
Sa mga trabahador at mga mag-aaral, palagi silang naghahabol ng oras dahil baka abutan sila ng pagtaas ng tubig sa kalsada at tiyak na makukulong lang sila ng tubig-baha sa bahay. May oras at may antas ang high tide ng dagat na karaniwang umaabot sa dalawa ang hanggang tatlong talampakan ang taas ng tubig na kung minsan ay sa umaga at kung minsan ay sa hapon.
Tatagal ba tayo sa kalagayang maglakad sa tubig-baha araw-araw? Mayaman man o mahirap na Hagonoeños ay nakakaranas ng ganitong kalagayan. Ang kaibahan lang ng mayayaman ay may kakayahan sila na itaas ang kanilang mga bahay samantalang ang nakararaming mahihirap ay nagtitiis na lang na pasukin ng tubig ang loob ng kanilang mga bahay dahil sa mababa.
Ang masaklap na parte para sa Hagonoeños ay ang pagsasabay ng high tide at ng siyam-siyam.na ulan dulot ng habagat. Kung ang tubig sa sanhi ng high tide kalsada ay hanggang tuhod lang, baka kung kasabay ang habagat ay maging hanggang bewang na ang baha sa Hagonoy.
Noong huling bahagi ng dekada 80 hanggang sa unang bahagi ng dekada 90 ay madalas akong pumasyal sa Barangay San Sebastian, sa Hagonoy, dahil may kumparen akong tagaroon, ang yumaong Bert Padilla, ng Manila Bulletin/Tempo.
Hindi pa gaanong kataasan ang high tide noon at hindi ko pa naranasan ang maglakad sa kalsada ng Hagonoy na may tubig. Pero simula ng pumutok ang Mt. Pinatubo at kasunod niyon ang pag-agos ng lahar na parang nabago ang topograpiya ng coastal area na inabot ng lahar. Mula noon ay maraming barangay na sa Hagonoy ang inaabot ng high tide. (UnliNews Online)

