CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Dalawang kilalang High-Value Individuals (HVIs) ang naaresto matapos ang ikinasang buy-bust operation ng San Jose del Monte City Police Station (CPS) sa Brgy. Minuyan 3, Lungsod ng San Jose del Monte noong Biyernes ng gabi (Aug. 29).
Base sa ulat ni Lt. Col. Reyson M. Bagain, Acting COP ng SJDM CPS, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Ikong”, 34 anyos, residente ng Brgy. Minuyan 3, CSJDM, at alyas Rasid, 33 anyos, residente ng Brgy. 188, Caloocan City.
Nahuli ang dalawa matapos magbenta ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang poseur buyer kapalit ng
P500 marked money.
Narekober mula sa kanila ang nasabing marked money, karagdagang 5 heat-sealed plastic sachets ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 75 gramo na may standard drug price na P510,000, at isang Caliber .22 revolver na kargado ng dalawang bala.
Agad silang inaresto, isinailalim sa wastong dokumentasyon, at dinala sa SJDM CPS para sa kaukulang disposisyon.
Nakahanda nang isampa laban sa kanila ang mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition) sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City, Bulacan. (UnliNews Online)

