MULING nanawagan si Senate Majority Leader Joel Villanueva na bigyan ng ‘security of tenure’ ang mga kuwalipikadong job order (JO) at contract of service (COS) workers ng pamahalaan lalo na kung may available na plantilla position sa mga ahensya ng gobyerno.
Sa deliberasyon ng Senate Committee on Finance noong Lunes (Sept. 1) tungkol sa 2026 National Expenditure Program, inihayag ni Villanueva ang kanyang pagka-alarma sa patuloy na pagtaas ng bilang ng endo workers sa gobyerno na umabot na sa 939,771 JOs at COS workers noong 2024, na bukod pa sa tinatayang dalawang milyong permanenteng posisyon sa gobyerno.
“Kung titingnan po natin ang datos, tila palaki nang palaki ang bilang ng mga endo workers sa ating gobyerno. Despite raising this concern every year for the past nine years, this practice is still ongoing,” sabi ni Villanueva.
“Iniisa-isa po natin ito sa bawat ahensya ng pamahalaan, lalo na po ang national government, na lahat po tayo would agree na is the number one violator ng sinasabi ng ating Konstitusyon na security of tenure para sa mga manggagawa,” pagpapatuloy niya.
Tiniyak naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na uunahin ang pagbibigay ng plantilla positions sa mga kwalipikadong JOs at COS workers sa implementasyon ng Republic Act No. 12231 o ang Government Optimization Act.
Habang binubuo pa ang implementing rules and regulations ng Government Optimization Act, sinabi ni Pangandaman na naglaan na ang DBCC ng P10 bilyon para sa implementasyon nito.
“Section 10 of RA No. 12231 allows an agency’s Optimization Plan to include a provision for additional plantilla positions for qualified casual or contractual employees, as well as job order or contract of service workers with at least 10 years of continuous service in the agency,” diin ni Villanueva. (UnliNews Online)

