CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Alinsunod sa direktiba ni acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., 5 drug suspects ang naaresto sa magkakahiwalay na buy-bust operations na ikinasa ng kapulisan ng Plaridel, Malolos, Meycauayan, at San Ildefonso noong Lunes (Sept. 22).
Base sa ulat kay Col. Angel L. Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, sa mga naturang buy-bust operations ay nakumpiska ang hinihinalang ilegal na droga kabilang ang shabu at marijuana na may kabuuang tinatayang halagang P189,632.
Ayon sa ulat ng Plaridel police, naaresto sa Brgy. Tabang, Plaridel ang isang 31-anyos na lalaki na nasa drug watchlist, kinilalang si alias Bajun at residente ng Guiguinto, Bulacan.
Nahuli siya matapos makabili ang poseur buyer ng isang sachet ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana kapalit ng P500.00 marked money.
Sa isinagawang body search, narekober mula sa kanya ang karagdagang 2 sachet ng hinihinalang marijuana at 1 bloke ng tuyong dahon ng marijuana na tinatayang may bigat na 1 kilo at halagang P120,000.00.
Samantala, sa mga ulat na isinumite ng mga Hepe ng Malolos, Meycauayan, at San Ildefonso MPS, apat na suspek pa ang naaresto sa magkakahiwalay na buy-bust operations na isinagawa ng kanilang Station Drug Enforcement Units.
Nakumpiska mula sa kanila ang 18 plastic sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang P69,632, kasama ang ginamit na buy-bust money. Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensya ay dinala sa kani-kanilang mga istasyon para sa wastong dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso sa korte.
Sa pahayag ni Col. Garcillano, kanyang pinuri ang tagumpay ng operasyon laban sa ilegal na droga. “Hindi titigil ang Bulacan PNP sa pagpapatupad ng batas at sa pagprotekta sa ating mga komunidad laban sa pinsalang dulot ng ipinagbabawal na gamot.” (UliNews Online)

