CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Alinsunod sa direktiba ng acting Chief PNP, Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., 3 suspek ang naaresto matapos masangkot sa insidente ng panloloob sa isang condominium unit sa Urban Deca Homes, Brgy. Abangan Sur, Marilao, Bulacan, Linggo ng hapon (Sept. 21).
Ayon sa ulat ng Marilao police mula sa pamumuno ni Lt. Col. Jordan G. Santiago, lumalabas sa imbestigasyon na pinasok ng isang lalaki na tinaguriang alias Erning at kasamahan nito na si alias Jhon Lloyd ang unit ng biktima sa pamamagitan ng pagwasak sa door knob at tinangay ang dalawang cellphone na Honor 70X (P15,992.00) at Redmi 13 (P8,800.00) kasama ang cash na P17,000.00. Tumakas ang dalawa matapos ang krimen at ibinenta ang isa sa kanilang kasabwat na si alias Romulo.
Sa isinagawang hot pursuit operation, matagumpay na nabawi ng mga otoridad ang mga ninakaw na cellphone, anim na bank cards, at I.D. Ang tatlong suspek ay positibong itinuro ng saksi at ngayon ay nasa kustodiya na ng Marilao MPS para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Sa pahayag ni Col. Angel L. Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng agarang pagtugon ng kapulisan.
“Patunay ito na sa pamamagitan ng mabilis na aksyon at pakikipagtulungan ng mga mamamayan, agad na nadadala sa hustisya ang mga lumalabag sa batas. Patuloy na magpapatupad ng mas pinaigting na operasyon ang Bulacan PNP upang tiyakin ang kaligtasan ng ating komunidad,” dagdag pa ni Garcillano. (UnliNews Online)

