CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Isang lalaki ang naaresto ng mga operatiba ng Bustos Municipal Police Station matapos na magpaputok ng baril at lumabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” sa Brgy. Tibagan, Bustos, Bulacan noong Sabado ng madaling araw (Sept. 27).
Ayon sa ulat Major Mark Anthon E. Tiongson, Hepe ng Bustos MPS, nakatanggap ng impormasyon mula sa EX-O ng nasabing barangay na may naganap na pagpapaputok ng baril sa lugar bandang alas-3:00 ng madaling-araw. Agad na rumesponde ang mga pulis at nadatnan ang isang lalaki na may dalang hindi matukoy na uri ng baril. Nang kanilang lapitan at kausapin, nagresulta ito sa pagkakaaresto ng suspek.
Nakumpiska mula sa kanya ang 1 piraso ng caliber .45 pistol na may tampered serial number, 1 magazine, 6na bala ng caliber .45, at (3) basyo ng bala.
Ang suspek ay agad na dinala sa himpilan ng Bustos MPS kung saan ipinaabot sa kanya ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine at Anti-Torture Law. Ang nakumpiskang ebidensya ay isasailalim sa kaukulang pagsusuri ng Bulacan Provincial Forensic Unit habang ang suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya para sa tamang disposisyon.
Ayon kay Col. Angel L. Garcillano, Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, “Mariin nating ipinatutupad ang kampanya laban sa mga iligal na gumagamit ng baril upang mapanatili ang kaligtasan at kapayapaan sa ating komunidad. Hindi natin hahayaan na abusuhin ang paggamit ng armas na nagdudulot ng takot at panganib sa publiko. Ang ating aksyon ay alinsunod sa direktiba ng Acting Chief PNP, Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., upang higit pang palakasin ang peace and order sa buong lalawigan. (UnliNews Online)

