Wednesday, December 17, 2025
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsTindig Paombong, Guiguinto at Bustos, inilunsad laban sa katiwalian!

Tindig Paombong, Guiguinto at Bustos, inilunsad laban sa katiwalian!

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Ang mga Bulakenyo ay naglunsad ng sunud-sunod na protesta sa kanilang mga bayan nitong nakaraang araw upang tuligsain ang nakalantad na katiwalian sa gobyerno na may kaugnayan sa mga proyekto sa pagkontrol sa baha.

Sa bayan ng Paombong, dose-dosenang kabataan at residente ang nagmartsa para ipakita ang kanilang pagkakaisa laban sa katiwalian. Pinangunahan ng grupong Tindig Paombong ang aksyon.

“Hindi namin hahayaan na maging tahimik na saksi ang bayan ng Paombong sa tahasan at sistematikong korapsyon. Ang mga ghost flood control projects ay hindi lamang nililinlang ang ating bayan—iniinsulto nila ang buong Bulacan at ang buong mamamayang Pilipino,” deklara ng grupo.

Hinamon ng Tindig Paombong ang mga lokal na opisyal ng Bulacan na harapin ang publiko at sagutin ang kanilang pagkakasangkot sa katiwalian. “Panagutin ang lahat ng mga magnanakaw, ibalik ang pera sa mga tao, at wakasan ang kultura ng kasinungalingan at pandarambong,” tawag nito.

Kasunod nito’y nagmartsa rin ang mga Iskolar ng Bayan sa ika-5 Distrito ng probinsya, ang mga magsasaka at maliliit na negosyante sa bayan ng Guiguinto.

Tinawag nilang Tindig Guiguinto, kung saan nasa 300 katao ang dumalo sa naturang programa.

Nabatid na isa ang Guiguinto sa may malaking pondo sa Flood Control Project, kung saan may mga natuklasan din na mga guni-guni o multong proyekto na sanhi rin ng pagbaha sa ilang lugar sa nabangit na bayan.

Kasabay nito, nag-organisa rin ang mga kabataan ng isa pang programa ng Tindig Bustos.

Isinagawa ang rally sa harap mismo ng Bustos Municipal Hall, noong Sabado Setyembre 27, 2025.

Bahagi rin ng kanilang panawagan ang ikulong at papanagutin, ang mga sangkot sa pagdispalko sa kwarta ng taong-bayan.

Nairehistro ng Bulacan ang pinakamalaking alokasyon ng badyet para sa mga proyekto sa pagkontrol sa baha mula Hulyo 2022 hanggang Mayo ngayong taon. Ang rehimeng Marcos ay naglaan ng tinatayang P28.56 bilyon para sa mga proyektong ito. May kabuuang 688 na proyekto ang nakatakda para sa lalawigan.

Ang pamahalaan ay naglaan ng kabuuang P680.2 bilyon para sa mga proyekto sa pagkontrol sa baha sa buong bansa mula noong 2022. (Manny D. Balbin)

Larawan: Thony Arcenal, FB pages (Guiguinto, Paombong & Bustos)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News